Inflation rate bumilis pa sa 2.3% nitong Oktubre—PSA

Inflation rate bumilis pa sa 2.3% nitong Oktubre—PSA

HINDI pa rin ramdam ng mga ordinaryong Pilipino ang ginagawang hakbang ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga bilihin halimbawa na nga rito ang pagbilis ng inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo nitong Oktubre 2024.

Sa karinderya karaniwang kumakain si James Salonga tuwing nananghalian ito.

Naka-budget na kasi ang kaniyang pera na sakto lang para sa isang kainan.

‘Yun nga lang mahal na ang bentahan ng ulam— nagtaas din ng presyo sa kada cup ng kanin ang ilang karinderya.

“Pero, dati magkano lang bili mo sa kada cup ng kanin? P10 po, tapos ngayon ay P15, minsan kapag wala gulay na lang ang binibili para makakain nang maayos,” wika ni James Salonga, Konsyumer.

Paliwanag ng ilang may-ari ng karinderya mahal na kasi ang nabibiling bigas kaya kailangan na ring magdagdag sa presyo.

“Kasi ‘yun nga medyo nagtaas ‘yung kilo ng bigas pati ‘yung per sack na rin po. Hindi na namin kaya sa ganong presyo din parang nagiging balik puhunan na lang din,” ayon kay Glaidel Vicaldo, may-ari ng karinderya.

Sa katunayan, batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) bumilis pa ang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Sumipa sa 2.3% ang inflation ang bansa nitong Oktubre mula sa 1.9% noong Setyembre ng 2024.

Ang pangunahing dahilan – mas mabilis na pagtaas ng presyo ng food at non-alcoholic beverages kabilang na ang pagtaas ng presyo ng bigas.

“The reason why year on year ‘yung inflation rates ng bigas ay tumaas ay dahil doon nga sa base effect noong October last year,” ani Usec. Dennis Claire Mapa, National Statistician & Civil Registrar, PSA.

Nakaambag din sa inflation ang pagtaas ng renta sa bahay, LPG at bayad sa suplay ng tubig.

Gayundin ang restaurants at accommodation services.

Sinabi ng PSA na kahit may pagtaas sa rice inflation nitong Oktubre ay single digit level pa rin naman ito.

Ngayon kasi ay nasa 9.6% ang rice inflation na malayo sa 24.4% na antas nito noong Marso.

Paliwanag pa nito, base effect ang dahilan kung bakit mas mabilis ang rice inflation nitong Oktubre dahil sa ipinatupad na price cap sa bigas noong nakaraang taon.

“’Yung presyo ng bigas base on the retail price sa ating commodity outlet ay bumababa naman siya kaso hindi nga lang siya ganon kabilis gaya nung pagbagsak ng ini-expect natin no,” dagdag ni Mapa.

Sa datos ng PSA, may pagbaba nga sa presyo ng bigas kada buwan gaya ng well-milled rice na nasa P55.28 ang average retail price nitong Oktubre mula sa P55.51 presyo noong Setyembre.

Maging ang special rice ay bumaba na sa P63.97 mula sa P64 noong Setyembre.

Agri group, hindi naniniwala sa datos ng PSA na may buwanang pagbaba sa presyo ng bigas

Pero, sabi ng ilang rice retailers – hindi naman bumababa ang presyo ng bigas.

Kung tutuusin ay mas nagmahal pa nga anila ang presyo ng isang kaban o ang kada P50/kg na sako ng bigas.

“30 pesos sa kada sako ang itinaas niya, hindi siya like na masasabi mong buwan-buwan bumababa,” wika ni Ellaine Faderaca, rice retailer.

Hindi rin sang-ayon ang Federation of Free Farmers sa sinabi ng PSA na may buwanang pagbaba sa presyo ng bigas.

Unang-una – hindi nga anila ito ramdam ng mga mamimili.

“Taliwas din ito doon sa pangako na lumabas na kung maaalala mo na Executive Order number 62, ang pangako nun ay bababa ang presyo ng bigas up to P7 per kilo, nasaan ‘yung sinasabing P7 na drop in retail price of rice,” pahayag ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Ikinababahala rin ng grupo ang posibleng epekto ng pagkawala ng aning palay ng mga magsasaka dahil sa sunud-sunod na bagyo na makakaapekto sa presyuhan sa bigas.

Target na 20-M metriko toneladang produksiyon sa palay ngayong 2024, malabong maabot—DA

Aminado kasi ang Department of Agriculture (DA) na posibleng bumaba ang rice output sa 2024 mula sa kanilang target na 20 milyong metriko tonelada.

“We can expect talaga na mas mababa ‘yung ouput ngayon compared last year. Dahil sa laki ng damage na ngayong taon na ito from El Niño and then ‘yung mga series ng typhoon before Kristine kahit nagkaroon na tayo ng abiso na maagang pag-harvest. Pero, may mga lugar na hindi naman mai-harvest, so malaki talaga ang nakikita nating pinsala na pang-malawakan. Naaapektuhan ni Kristine ‘yung ating major rice producing areas so ‘yung kung gaano kalaki eventually malalaman natin ‘yan later on. But, there will be pagbaba talaga ng output especially sa rice,” ani Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Ani De Mesa, nalampasan na ng naitalang pagkalugi sa produksyon ng palay ang karaniwang taunang pagkalugi na 500,000 MT hanggang 600,000 MT.

Gayunpaman, sapat pa rin aniya ang suplay ng bigas sa bansa dahil sa sandamakmak na imported na bigas na dumating sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter