KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na nawawala ang isang Chinese detainee mula sa nangyaring Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) raid sa Pasay City.
Ang Chinese detainee na ito ay isa sa mga inaresto ng mga awtoridad sa ginawang raid sa SKK Building sa Pasay City kamakailan dahil umano sa cyber scam.
Ayon sa abogado ng detainee, nalaman nitong nawawala o wala na sa kustodiya ng NBI ang kaniyang kliyente nang ihaharap na sana ito sa korte pero ang arraignment ay nare-sched kahapon, Agosto 23.
“Dapat ipepresent ko ang mga clients ko ngayon and I asked the NBI regarding the whereabouts but allegedly he is not with them. He’s not in custody anymore.”
“They informed me wala na sa custody nila ‘yung isa where in fact supposed to be dapat naka detain pa,” saad ni Atty. Gloria Quintos, abogado ng nawawalang Chinese.
Ang pagkawala ng detainee, kinumpirma ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ayon sa kalihim maaring dahil na rin sa kakulangan ng maayos na detention facility kaya nakakawala ang ilan.
Ang detainee ay ikinulong lamang sa mismong gusali ng POGO ng mga taga NBI.
“Kulang na kulang tayo sa facilities para maformally madetain,” ayon kay Sec. Jesus Crispin Remulla, Department of Justice.
Wala pang maibigay na iba pang impormasyon ang kalihim tulad ng kung kelan o paano nakawala ang detainee.
Pero ipinag-utos na nito ang manhunt operation.
Sinabi rin ng kalihim na may dapat managot sa nangyari.