ARESTADO ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang recruitment fixer sa Brooke’s Point, Palawan kahapon Disyembre 18, 2022.
Kinilala itong si John Ian Montero Socrates, 23 taong gulang na residente ng Brgy. Panacan, Narra, Palawan.
Ayon sa PCG, isinagawa ang entrapment operation laban sa suspek matapos mag-report ang isang aspiring coast guard applicant sa PCG Station Southern Palawan.
Sa kwentro ng 24-anyos na aplikante, hinihingan siya ng suspek ng Php 3,000 para sa pag-po-proseso ng kanilang aplikasyon.
Kinumpiska naman kay Socrates ang nakuhang P3,000 na marked money at isang cellular phone na may PCG logo.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Brooke’s Point Municipal Police Station ang suspek para maimbestigahan at masampahan ng karampatang kaso dahil sa paglabag sa Article 294 (5) ng revised penal code patungkol sa “robbery with violence against or intimidation of persons.”
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Coast Guard Intelligence Force (CGIF) para malaman kung may kasabwat siyang PCG personnel.
Panawagan ng PCG sa mga nais maging bahagi ng organisasyon, makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na PCG district, station, o sub-station sa kanilang lugar para malaman ang update patungkol sa nationwide recruitment.