Israeli PM Netanyahu: Walang mangyayaring ceasefire hangga’t hindi pinapalaya ng Hamas ang mga hostage

Israeli PM Netanyahu: Walang mangyayaring ceasefire hangga’t hindi pinapalaya ng Hamas ang mga hostage

NANINDIGAN si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na walang ceasefire na mangyayari hangga’t hindi pinapakawalan ng Hamas ang mahigit 240 hostages na dinakip ng militanteng grupo noong Oktubre 7.

Sinabi niya ito sa kaniyang pagbisita sa Ramon Air Force Base upang makita ang sitwasyon sa lugar at makausap ang mga air force personnel.

Ayon kay Netanyahu, ang mensahe niyang ito ay hindi lamang para sa kanilang mga kaaway, kundi para din sa kanilang mga kaalyado.

Nagbabala rin si Netanyahu na ipagpapatuloy nila ang laban hanggang matalo nila ang kabilang panig.

“I also want you to know that there is one thing we will not do – there will be no ceasefire without the return of our abductees, who will remove it from the lexicon at all. We say this to both our enemies and our friends. We will just keep going until we beat them, we have no alternative. I think today we all understand that.”

“The entire nation is united and also trusts you, and appreciates what you do and believes in you. We will continue together until victory,” pahayag ni PM Benjamin Netanyahu.

242 katao, kasalukuyang hostage ng Hamas—Israel

Ayon sa Israeli military, 242 katao ang kasalukuyang hostage ng Hamas, apat pa lamang dito ang pinapalaya ng grupo.

Bukod sa mga Israeli, kabilang sa mga hostage ay sibilyan, sundalo, mga bata, senior citizen, at isang 9-month old na sanggol.

Mayroon ding iba’t ibang nasyonalidad tulad ng mga Amerikano, German, Thai, Russian, French, Spanish, Italian, at iba pa.

Ayon naman sa Hamas, wala itong planong panatilihin sa kanilang panig ang mga foreign hostage at balak nilang palayain ang iilan sa mga ito sa mga susunod na araw.

Nais ng Hamas na palayain ng Israel ang mga Palestinian na kasalukuyang nasa bilangguan kapalit ng kanilang mga hinostage, bagay na tinanggihan ng Israel dahil aniya, mga operatiba ng Hamas ang kanilang mga ibinilanggo at banta ang mga ito sa kanilang seguridad.

Palestinian Authority Pres. Abbas, nanawagan ng ceasefire, tinawag na ‘genocide’ ang nangyayari ngayon sa Gaza

Ngunit sa kabila ng paninindigan ni Netanyahu ay muling nanawagan ng ceasefire ang presidente ng Palestinian authority na si Mahmoud Abbas.

Tinawag din niya na ‘genocide’ ang ginagawang walang humpay na atake ng Israel sa Gaza Strip.

Ayon sa pinakabagong data ng Palestinian Hamas Health Ministry, humigit-kumulang 9,770 Palestinians, kabilang na ang 4,800 na mga bata ang namatay sa Gaza simula nang sumiklab ang giyera.

Halos nasa 1,400 na Israelis naman ang namatay dulot ng pag-atake ng Hamas batay sa pinakabagong datos ng Israel.

Israeli heritage minister, suspendido matapos sabihin na maaaring pasabugin ang Gaza gamit ang nuclear bomb

Samantala, sinuspinde ni Netanyahu si Israeli Heritage Minister Amichay Eliyahu matapos nitong sabihin na isa sa mga opsiyon na posibleng gawin ng Jewish state ay ang pagpapasabog sa Gaza gamit ang nuclear bomb.

Binawi naman ito ni Eliyahu kalaunan, at sinabing ‘metaphorical’ lamang ang kaniyang sinabi.

Sa kabila nito ay nanawagan ang lider ng Israeli opposition at dating Prime Minister, Yair Lapid na sibakin si Eliyahu dahil sa iresponsableng mga salitang binitawan nito.

Agad namang naglabas ng pahayag si Netanyahu na hindi aniya batay sa reyalidad ang mga salitang binitawan ng Israeli heritage minister.

Umani naman ng reaksiyon ang sinabi ng Israeli heritage minister sa mga Arab states na Saudi Arabia at Jordan.

Matatandaan na isa ang Israel sa mga bansa na may pinakamakapangyarihang militar sa Middle East.

Pinaniniwalaan din na mayroon itong nuclear arsenals bagama’t wala pang isinasapublikong pagsasagawa ng nuclear tests ang Israel.

Follow SMNI NEWS on Twitter