HAHARAPIN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga nakalatag at ilalatag na mga plano ng Pilipinas at China patungkol sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Ito aniya ay kapag nakauwi na siya sa Pilipinas mula sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Indonesia.
Saysay ni Pangulong Marcos, nagkausap na sila ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian at pareho silang handa na mapag-usapang muli ang nasabing isyu.
“But I have already spoken with our Ambassador and ‘yun na nga, sabi niya, willing na kami, let’s map it out and that’s what we will have to do when I get back,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ibinahagi naman ng punong-ehekutibo na mayroon nang proposal ang China hinggil sa usapin at nagkaroon na siya ng pakikipag-usap ukol dito sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Coast Guard (PCG).
Susuriin aniya nila kung alin sa mga proposal ng China ang puwedeng masakop sa kasunduan.
“Sinimulan na namin. I talked to the Coast Guard. I talked to the DFA and I said, ‘This is the proposal of the Chinese. Let’s see – let’s if we can accommodate that into our agreement’. So we’re headed there. May progress naman,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Code of Conduct sa South China Sea, muling itutulak ni PBBM sa ASEAN summit
Samantala,inihayag ni Pangulong Marcos na hihikayatin niya ang kaniyang mga kapwa lider sa Southeast Asia sa 42nd ASEAN Summit na humanap ng paraan para itulak ang finalization ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea (SCS) para mabawasan ang tensiyon sa contested waters.
Ito ang naging sagot ni Pangulong Marcos nang matanong kung muling bubuksan nito ang pagkakaroon ng COC sa naturang pinag-aagawang teritoryo.
Sinabi ng pangulo na ang pagkakaroon ng isang umiiral na COC ay magpapalinaw sa mga bagay-bagay at mabawasan ang posibilidad ng mga maling kalkulasyon.
“I will bring it up again because when we talk about – when we talk about the issues on the West Philippine Sea, South China Sea, hindi magkakalma ‘yan hanggang mayroon na tayong Code of Conduct. Kasi may Code of Conduct lahat, basta susunod lahat. That makes things clearer. Walang possibility na magkamali kasi maliwanag na maliwanag dapat ang usapan,” ani Pangulong Marcos.
Umaasa naman si Pangulong Marcos na ang
regional bloc ay matutugunan ang mga isyung humahadlang sa conclusion ng mga negosasyon na isang mahalagang elemento sa sentralidad ng ASEAN.
Nang tanungin naman tungkol sa mga hamon sa pagbuo ng isang umiiral na COC, sinabi ni Pangulong Marcos na ang nagpapalubha sa mga bagay ay ang magkahiwalay na bilateral negotiations sa pagitan ng mga miyembrong estado ng ASEAN at China kung saan kailangan aniyang lutasin ang mga ito.
“Because over the years, siyempre lahat nakikipag-usap sa China, ‘yung iba sa ASEAN dumadaan. Iba-iba ang nangyayari, kaya napakaimportante na maging maliwanag na may Code of Conduct, ganito ‘yung gagawin natin, this is how we operate. Pagka may problema, dito natin ire-resolve, et cetera,” aniya.
Sa ASEAN Summit noong 2022, itinulak ni Pangulong Marcos ang maagang pagtatapos ng COC sa South China Sea batay sa international law, na aniya ay dapat maging halimbawa kung paano pinangangasiwaan ng mga estado ang kanilang mga pagkakaiba.
Mababatid na matagal nang isinusulong, hindi lang ng Pilipinas kundi pati ng iba pang claimants ang pagkakaroon ng COC sa WPS, na may layong mabawasan ang panganib ng mas malala pang sitwasyon sa katubigan.
Samantala, isinaysay naman ni Pangulong Marcos na ang mga negosasyon para sa COC sa South China Sea ay hiwalay sa ASEAN Summit.