Itinaas na 2% fare commission na kinakaltas ng Grab sa TNVS drivers, walang alam ang LTFRB

Itinaas na 2% fare commission na kinakaltas ng Grab sa TNVS drivers, walang alam ang LTFRB

WALANG alam ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa itinaas na 2 percent fare commission na kinakaltas ng Grab sa mga transport network vehicle services (TNVS) drivers na nasa App ng naturang kumpanya.

Ang itinaas na komisyon ng Grab na kinakaltas sa kita ng TNVS drivers ay sinimulan ng kumpanya noong December 1 ngayong taon.

Ayon sa LTFRB, ang fare adjustment lamang ang pinayagan ng ahensiya para sa mga pampasaherong sasakyan at ang 2 percent fare commission ng Grab sa kita ng TNVS drivers ay kasunduan lamang ng Grab sa kanilang mga TNVS partners.

Sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Metro Manila Development, sinabi ng LTFRB na sila ang nagreregulate ng fare matrix ng lahat ng pampasaherong sasakyan ngunit ang 2 percent fare commission na kinukuha ng Grab sa kita ng TNVS drivers ay internal agreement ng mga ito.

Kaugnay nito, nagalit naman si Congresswoman Francisca Castro (ACT)  sa representative ng Grab dahil hindi nito maipaliwanag sa panel kung magkano ang mawawala sa kanilang kita kung hindi na ikakaltas sa kita ng TNVS drivers ang itinaas na 2 percent commission ng Grab sa mga ito.

Kinuwestyon din ni Castro kung bakit nagpadala ng representative ang Grab sa pagdinig ng Kongreso gayung wala itong maipahayag na sagot sa kanilang mga tanong.

Hiniling nito sa komite na isubpoena ang executive ng Grab upang ito mismo ang magpaliwanag ng kanilang query hinggil sa reklamo ng mga drivers sa sobrang taas ng kinakaltas na komisyon ng Grab sa kanilang kita bilang driver ng TNVS.

Sa hearing, sinabi ni Jun de Leon ng Laban ng TNVS na dahil sa itinaas na 2 percent na komisyon ng Grab sa kita ng mga TNVS drivers, may 12 hanggang 16 oras nang nagmamaneho ang mga driver para lamang kumita sa kada pasada.

“Sa kabila po ng pagtaas ng halaga ng bilihin at gasolina, kami po sa TNVS drivers ay humihiling sa komiteng ito na tulungan kami sa ginawang pagtataas ng Grab sa kanilang komisyon sa kita ng mga TNVS drivers. Kaya hiling po namin sa komite at sa LTFRB na magregulate sa ganitong pagtaas. Sana po magkaroon na ng batas para sa mga TNVS,” sabi ni De Leon.

Ayon kay De Leon, 10 percent hanggang 12 percent na ang kinakaltas na komisyon ng Grab sa kita ng TNVS drivers at nadagdagan pa ito ng 2 percent nitong December 1.

Dahil aniya dito, malaki ang epekto nito sa kanilang commuters at ang mahabang oras na pagmamaneho ay masyado aniyang mapanganib sa kanila at sa mga pasahero gayundin sa kanilang kalusugan.

Kaugnay nito, hiniling ni Congressman Joel Chua sa komite na ipasubmit sa secretariat ang documentation kaugnay ng mga pagdinig hinggil dito.

Niliwanag naman ni Congresswoman Arlene Brosas ng Gabriela Party-list na matagal nang isyu at problema ang tungkol dito kayat napapanahon na ito ay maaksiyonan na ng mga kinauukulan.

Aniya ang kalagayan ng maliliit na driver ang nakasalalay sa naturang isyu na matagal nang hindi naaaksiyonan may ilang taon na ang nakararaan.

Sinabi naman ng Philippine Competition Commission (PCC) na wala pa silang aksiyon hinggil sa surge fee na sinisingil ng Grab sa TNVS passengers.

Aniya noong panahon na nakuha ng Grab ang pangangasiwa sa Uber noong 2018 ay naipag-utos nilang mag refund ng P25-M sa Grab passengers.

Anya, P18-M lamang ang nairefund ng Grab at may naiwan pa na P7-M na hanggang ngayon ay hindi nairerefund ng kumpanya.

Ayon sa PCC, kung hindi pa rin mairerefund ng Grab ang natitirang halaga ay maglalapat ulit sila ng parusa dito hindi pa kasama ang usapin sa surge fee.

Inerekomenda naman ni Congressman Gustavo Tambunting sa komite na kung ayaw magpunta ng Grab Executives sa subpoena ng Kamara ay mas mabuting desisyunan na ang paglalapat ng kaukulang aksyon laban dito.

Follow SMNI NEWS in Twitter