INIHAYAG ng foreign minister ng Indonesia na nagkasundo ang Indonesia at Japan sa pag-aalis ng mas maraming trade barriers matapos tapusin ng dalawang bansa ang negosasyon sa mga panuntunan upang mapabuti ang kanilang bilateral economic agreements.
Sinabi ni Minister Retno Marsudi, pahihintulutan ng Japan ang pag-access para sa mga produkto ng Indonesia kabilang ang pag-alis ng mga taripa sa mga processed fishery items at pagbubutihin ng dalawang bansa ang relasyon sa banking sector.
Tinitingnan din ng dalawang bansa ang inamyendahang Indonesia-Japan Economic Partnership Agreement (IJEPA) na ipatutupad sa unang quarter ng 2024, bagama’t kailangan pa rin itong pormal na lagdaan at pagtibayin ng kani-kanilang mga parlyamento pagkatapos ng mga legal na pagsusuri.
Isinagawa ni Retno ang pahayag na ito matapos magsagawa ng bilateral meeting si Indonesian President Joko Widodo kasama si Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa sideline ng Tokyo summit na minarkahan ang 50 taon nang ugnayan ng Japan at ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Highlight din sa pagpupulong ng dalawang lider ang kahalagahan ng pagkakasunduan ng Jakarta at Tokyo sa mga critical minerals habang sinusubukan ng Indonesia na iposisyon ang bansa bilang isang mahalagang miyembro ng global electric vehicle (EV) battery supply chain.
Bukod dito, nilagdaan din ng Japan at Malaysia ang security assistance deal na 400 million yen upang palakasin ang maritime security ng Malaysia.