MULING nanindigan sa kanilang malapit na kooperasyon laban sa North Korea ang senior diplomats mula Japan, South Korea, at Estados Unidos.
Ito ay kasunod ng pagpapakawala ng intermediate-range solid fuel ballistic missile ng North Korea noong weekend.
Sa kanilang pagpupulong sa Seoul, inihayag din ng mga opisyal ang kanilang pagkabahala sa weapon transfer mula North Korea patungong Russia.
Nakilahok sa pagpupulong si Kim Gunn, South Korea Special Representative for Korean Peninsula Peace and Security Affairs kasama ang Japanese at U.S. counterparts nito na sina Hiroyuki Namazu at Jung Pak.
Matatandaan na noong Lunes ay nanawagan ng constitutional change si North Korean Kim Jong Un upang tuluyang mailagay ang South Korea bilang ‘ principal enemy’ ng Pyongyang.
Samantala, ang trilateral meeting na ito ay isinagawa rin matapos na makipagpulong si North Korean Foreign Minister Choe Son Hui sa kaniyang Russian counterpart na si Sergey Lavrov at kay Russian President Vladimir Putin noong Martes.