PAPAUNLARIN ni labor group leader at presidential candidate Ka Leody de Guzman ang kabuhayan ng mga mangingisda at mga magsasaka sakaling palarin sa May 2022 elections.
Sa SMNI Presidential Debates kagabi, ipinaliwanag ni De Guzman na isa ito sa kanyang key priority programs upang palakasin ang produksyon ng pagkain.
“Lalo sa panahong ito malakas ang pandemya kailangan ng ating mga kababayan na magkaroon ng pagkakataon na bumili ng pagkaing kanilang kakailanganin. Kailangan natin ito sapagkat naniniwala ako na ang pundasyon ng pag-ahon ng ating ekonomiya ay nakasalalay doon sa ating kanayunan,” pahayag ni Ka Leody.
Dagdag pa ni De Guzman na kinakailangan ding paunlarin ang sarili nating manufacturing industry upang umunlad ang bansa.
Tututukan din aniya ang pangaingailangan ng mga healthcare workers tulad ng pagdagdag ng sahod, benepisyo at tauhan na makakatuwang ng mga ito sa pagharap sa pandemya.
Sa kanyang closing statement, hinimok ni De Guzman ang publiko na siya ang piliin at ihalal bilang pangulo ng bansa.
“Dapat ako ang iboto dahil una hindi ako magnanakaw, pangalawa hindi ako trapo, hindi ako pamilya ng dinastiya na ang papasok lamang sa politika para magpayaman. Pangatlo, ako ay anak ng magsasaka sanay sa trabaho at hindi mag-aaksaya ng panahon para sa mga bagay na hindi para sa kapakanan ng mamamayan,” ayon pa ni Ka Leody.