Kahalagahan ng pagkakaroon ng sovereign wealth fund ng Pilipinas, ipinaliwanag ni Rep. Sandro Marcos

Kahalagahan ng pagkakaroon ng sovereign wealth fund ng Pilipinas, ipinaliwanag ni Rep. Sandro Marcos

INIHAIN kamakailan sa Kamara ang House Bill 6398 o ang Maharlika Investment Fund Act.

Ang isa sa mga may akda nito ay si Presidential son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Sa panayam ng SMNI sa batang Marcos, ipinaliwanag nito na nilalayon ng panukala na itatag ang sovereign wealth fund ng Pilipinas na tatawaging Maharlika Investment Fund o MIF.

Unang pagkakataon nito na may ganitong inisyatibo sa bansa.

Ngunit paano nga ba ito makatutulong sa mga Pilipino?

“Nakipag-usap kami sa DOF, sa DBM actually matagal na nilang pinaplano. Noong nagsimula ang ating Pangulo ay sinabi din niya na kailangan na tayo magtayo ng sovereign wealth fund para naman yung mga proyekto ng gobyerno na kailangan ng pondo ay pwedeng gamitin ang kita ng sovereign welfare fund na ilagay sa mga priority programs,’’ ayon kay Rep. Sandro Marcos.

Nakasaad sa panukalang batas na ang MIF ay makakapagbigay sa mga government financial institutions kagaya ng GSIS, SSS at DBP ng pagkakataon na makamit ang pinakamainam na paglalaan ng asset.

Halimbawa ng assets ay ang mga pondo na pag-aari ng government financial institutions.

At ang assets na ito ay pwedeng ilaan sa mga proyekto ng pamahalaan.

‘’So it will essentially be a vehicle used to invest in certain assets real and financial that could multiply the earnings and funds which will then be used to invest in different projects and different programs of the government,’’ saad ni Rep. Marcos.

Ayon kay Marcos, marami nang mga bansa sa Asya ang may ganitong sistema kagaya ng Singapore, Indonesia at Abu Dhabi.

‘’Noong nag-usap ang ating Pangulo at si President Widodo (Indonesia) kung paano niya ginawa ang pag-unlad ng Jakarta at ng buong Indonesia actually he said one of the main reasons was the sovereign wealth fund,’’ paliwanag ni Rep. Marcos.

Follow SMNI NEWS in Twitter