ISA sa mga karaniwang problema na hinaharap ngayon ng mga trucking shipping companies ay ang mabagal na pagdeliver ng mga cargo partikular na sa mga tatawid ng dagat.
Ayon kay Anti-Red Tape Authority (ARTA) director general Ernesto V. Perez, maraming mga permit na kinakailangan at bayaran ang mga trucks kung dadaan pa ang mga ito sa mga local government units.
“Pati na rin sa mga port ay pahirapan pa rin ang pagpila ng mga truck kaya naman pati ang kargamento ay na de-delay rin,” ayon kay Ernesto Perez, Director General, ARTA.
Ang pahayag ng mga opisyal ay kasabay sa isinagawang Ceremonial Signing of the Joint Memorandum Circular (JMC) at launching ng memorandum of agreement (MOA).
Kasama rin sa JMC ang pagkakaroon ng tinatawag na Unified Logistics Pass (ULP).
Sa pamamagitan nito, mas magpapadali na at hindi na mahaharang ang mga truck for hire na naghahatid ng mga basic goods at pangangailangan sa buong bansa sa pamamagitan ng unified application form.
Pati ang red tape ay mababawasan na rin.
Ayon din sa ARTA, bago matapos ang taon ay ipapatupad na ang nasabing kaginhawaan sa logistics at shipping companies.
