INIHAYAG ng Department of Education (DepEd) na aprubado na ng Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang kahilingan na taasan ang honoraria ng mga teaching and non-teaching personnel na magsisilbi sa susunod na halalan.
Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, suportado ng COMELEC ang kahilingan ng departamento na dagdagan ng P3, 000 ang sahod ng poll workers.
Dahil dito ang magiging sahod ng chairpersons ng electoral boards ay nasa P9,000 mula sa P6,000 habang ang mga board members naman magiging P8, 000 mula sa P5, 000.
Tataas na rin sa P7,000 mula sa P5,000 ang sahod ng Department of Education Supervisor Official (DESO) at mga staff nito.
Isasali rin ng COMELEC ang proposed budget na transportation allowance, food and water allowance at clean-up at repair expenses ng mga guro.
Pag-aaralan naman ng COMELEC at DepEd kung isasama sa pondo ang ibang benepisyo gaya ng on-site swab testing, shifting at tax exemption.
Samantala, hinimok ng dalawang senador ang COMELEC na dagdagan ang polling precincts para sa 2022 elections.
ito ay dahil sa nagdududa ang mga ito na maaaring matapos ang botohan sa loob lamang ng isang araw bunsod na rin health protocols na ipapatupad.
Ayon kay Senator Cynthia Villar, hindi ito kampante na matapos ang botohan ng isang araw dahil na rin sa safety protocol na dapat sundin.
Dagdag nito, magkakagulo sa mga presinto maliban na lamang kung dadamihan ang voting precinct.
Samantala, sumang-ayon din naman si Senator Imee Marcos na siyang chairperson ng Senate Electoral Reforms Committee sa pahayag ni Villar.
Ani Marcos, ayaw ng marami at maging COMELEC na magtagal ang eleksyon ng buong gabi o dalawa hanggang tatlong araw dahil mas nakakatakot aniya kung magkakaroon ng delay.
(BASAHIN: 2 shifts ng mga guro sa election day, pinag-uusapan na ng DepEd at COMELEC)