NAGING mainit ang usapin sa mga nagdaang araw tungkol sa suhestiyon ni Mayor Isko Moreno kaugnay sa pagtigil sa pagsusuot ng face shield.
(BASAHIN: Pagsusuot ng face shield hindi baseless at useless— Duque)
Pero naniniwala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na masyado pang maaga para bawasan ang proteksiyon hangga’t hindi naaabot ang herd immunity sa bansa.
“Kung tatanungin po kami sa DILG, hindi pa po siguro panahon para tanggalin ang face shield dahil hindi pa po tayo nakakalabas dito sa pandemya. Pangalawa, wala pa po tayo sa level na tinatawag nating herd protection or iyong tinatawag nating public protection na makukuha natin kapag umabot na tayo sa 50 million vaccination,” pahayag ni DILG Usec. Jonathan Malaya.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng sinabi ni Mayor Isko Moreno na dapat daw ipatigil na ang pagri-require sa general population ng paggamit ng face shield.
Dagdag ni Moreno na gumamit na lang ng face shield sa mga hospital para makabawas sa mga gastusin ng mga indibidwal.
Ayon kay Usec. Malaya na nagkausap na sila ng alkalde at nilinaw nito na ito ay isang suhestiyon lamang.
“Now I’m sure, ito pong suhestiyon na ito ay pag-aaralang mabuti ng IATF dahil it comes from the mayor of the principal city, the capital city of the Philippines with 2 million residents,” ani Malaya.
Giit ni Malaya na ang pagsusuot ng face shield ay may karagdagang lebel ng proteksyon para sa mga kababayan.
Kung tatanggalin man ang mandato ng pagsusuot nito aniya ay kinakailangan itong mapalitan ng ibang bagay na magbibigay proteksyon sa publiko na sa tingin niya ay ang pagbabakuna.
Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na malaking tulong ang pagsusuot ng face shield batay na rin sa pag-aaral ng mga eksperto.
Dagdag ni Roque na para ka na ring nabakunahan kung ang isang indibidwal ay naka-face shield.
“Statistically kapag ikaw po ay nag face mask, face shield at nag distancing halos equivalent po proteksyon niyan sa bakuna. So, sa akin po sa siyensiya may basehan po iyan, sa gastos bagama’t nagastusan po ang ating mga kababayan, eh halos lahat naman po mayroon nang face shield so wala na pong extra gastos po iyan,” ayon kay Roque.
Sa ngayon ay pag-aaralan pa ito nang mabuti ng Department of Health (DOH) at IATF dahil laging may nakaambang panibagong surge ng COVID-19 cases sa bansa.
Samantala, batay sa pinakahuling tala ng DILG quarantine violators sa bansa, halos 100,000 indibidwal na ang nahuling walang mask, 1,697 naman ang nasita dahil sa mass gathering at halos 30,000 kaso ng kawalan ng physical distancing.