Kakayahan ng bagong DND Secretary Gilbert Teodoro, makatutulong sa modernisasyon ng PH Air Force—PAF Spox

Kakayahan ng bagong DND Secretary Gilbert Teodoro, makatutulong sa modernisasyon ng PH Air Force—PAF Spox

IKINATUTUWA ng Philippine Air Force (PAF) ang pagkakatalaga sa bagong talagang kalihim ng Department of National Defense na si Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro.

Umaasa ang ahensiya na magiging katuwang nila ang kalihim sa mas mabilis na pagbili ng mga makabagong kagamitan para sa kanilang mas maayos na serbisyo sa bansa.

Sa panayam ng SMNI News kay Air Force Spokesperson Col. Bon Nunag Castillo, malaki ang kanilang inaasahan sa kalihim dahil sa malawak na karanasan nito sa iba’t ibang larangan at kasama nila sa malasakit sa bayan.

Ayon kay Castillo, isa sa mga nais nilang bigyan ng pansin ng kalihim ay ang mas malakas na puwersa ng air force sa pamamagitan ng suporta nito sa pagbili ng mga modernong kagamitan at proyekto ng ahensiya.

“Ukol naman po sa ating modernization, umaasa po kami na sa pagkakatalaga ni Secretary (Gilbert) Teodoro bilang Secretary of National Defense ay magpapatuloy po ang mga magandang nasimulan tungkol sa modernization projects at kami rin ho ay umaasa na magpapatuloy ang pagtulong ng ating defense department sa acquisition ng ating bagong platforms na kailangan natin upang masuportahan ang ating focused military operations maging ang ating HADR operations na magaganap sa susunod na taon,” pahayag ni Col. Bon Nunag Castillo, Spokesperson, PAF.

Naniniwala ang Philippine Air Force na hindi sila bibiguin ng bagong kalihim lalo pa at pamilya rin ang turing nila kay Secretary Gilbert Teodoro bilang isang reserve officer ng kanilang hanay.

“Kami po ang dobleng proud dahil siya ay isa sa mga staunch supporter ng Philippine Air Force. He is actually the chairperson of the Philippine Air Force Multi-Sectoral Governance Council at natulungan po talaga nila kami sa implementation ng aming flight plan. At the same time he is also a member of the Philippine Air Force Reserve Force with the rank of colonel. Kaya naniniwala po kami na sa pagkakatalaga ni Secretary Teodoro bilang Secretary of National Defense, magiging maganda po ang magiging future, hindi lamang po ng Philippine Air Force kundi ng buong Armed Forces of the Philippines,” pahayag ng Armed Forces of the Philippines.

Nauna nang nangako si Teodoro sa mga kawani ng kaniyang pamumunuang ahensiya  kaugnay sa pagpapalakas ng relasyon ng mismong kagawaran nito at sa ibang attached agencies nito lalo na sa usapin ng fiscal reform.

Naniniwala ang kalihim na masyadong tinutukan ng tanggapan nito ang paglaban sa insurhensiya at depensa ng bansa ngunit nakaligtaan ang iba pang programa gaya ng mga benepisyo ng mga tauhan nito, at pagpapaganda ng mismong mga tanggapan ng ahensiya sa buong bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter