BATAY sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 17 na lugar sa bansa ang inaasahang pinakamaaapektuhan ng El Niño.
Kaya naman bilang paghahanda, sinabi ni Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) National President at Quirino Governor Dax Cua na partikular sa naging preparasyon nila sa El Niño phenomenon ang pagtugon sa kakulangan ng water management.
“Nakasama ko po si Secretary Abalos ng DILG at si Secretary Loyzaga po ng DENR at napag-usapan po namin itong tubig ano. At doon sa aming pag-uusap, patuloy po ang paghahanda namin ng mga talakayan para lalong maa-address iyong water management,” saad ni Gov. Dax Cua, National President, Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
Giit ni Cua, ang El Niño na kabilang sa water-related concerns ay nakaaapekto sa agrikultura at food production gayundin sa pagkonsumo ng tubig sa industriya, sa mga pang-araw-araw na gamit sa bahay at sa buhay ng tao.
Kaya naman, ganoon lamang aniya kahalaga na maayos na napangangasiwaan ang pinagkukunan ng tubig.
Inihalintulad ito ni Cua sa Dubai na isang disyertong lugar ngunit nama-manage nang maayos ang kanilang tubig na masusuplayan ang kanilang populasyon.
“So, it’s that awareness of how to integrate these management systems in terms of agriculture, industrial use, domestic use and other uses and how to recycle some of the water for other purposes and how to revert the water back to its ecosystem kapag ginamit natin at nilinis na natin,” dagdag ni Cua.
Ipinunto ni Cua na bilang isang bansang may masaganang mapagkukunan ng suplay ng tubig, ay nararapat lamang na paghusayin ng Pilipinas ang water management.
“Eh tayo naman po dito, sagana tayo sa tubig – ang dami nating ilog pero kulang tayo sa management. Doon po, lalong lalalim ang talakayan ng DILG, DENR at kasama po ang ULAP at ang mga LGU, mga liga natin,” dagdag ni Cua.
Pagdating sa food production, sinabi ni Cua na napakahalaga ng irigasyon.
Sa ngayon, mayroon aniyang niro-rollout na mga programa ang National Irrigation Administration (NIA) para idevelop ang irrigators associations.
“Sila na rin ang gaganap ng trading, ng mga assistance at training at financial management ng mga farmers natin. So, mai-empower sila para lalong lumakas ang puwersa ng ating mga rice producers.”
“But again, water management is still key to the success,” ani Cua.
Kabilang din sa areas of improvement pagdating sa water management ay ang proyekto rin ng NIA na Sabo Dams.
“Iyong value for money ay mataas; iyong gastos mo, mas malaki ang return. So, ida-divert mo iyong tubig papunta sa mga production area, iyong mga Sabo Dams na isinusulong,” aniya.
Kaugnay rito, nagpahayag ng buong suporta si Gov. Cua sa panukalang magtatag ng isang departamento para sa tubig na tututok partikular sa water management.