Kamara dapat sagutin ang mga isinampang reklamo sa Ombudsman ukol sa 2025 national budget—Rep. Alvarez

Kamara dapat sagutin ang mga isinampang reklamo sa Ombudsman ukol sa 2025 national budget—Rep. Alvarez

KASUNOD ng pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman, nagpahayag ng saloobin si 1st District Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Ang reklamo ay naglalayong isailalim sa preventive suspension sina House Speaker Martin Romualdez, House Majority Leader Manuel Jose Dalipe, dating House Committee on Appropriations Chairperson Zaldy Co, at Acting Chairperson Stella Quimbo.

Ito ay may kaugnayan sa mga kwestiyonableng blank items sa bicam report ng 2025 national budget.

“Para sabihin mong diversionary tactic, ibig sabihin, ayaw nilang sagutin ‘yung mga isyung nilabas. Madaling sabihin ‘yung diversionary, eh bakit hindi nila sagutin isa-isa ‘yung mga akusasyon, ‘yung mga isyung ginawa namin? Sagutin iyon. Huwag lang basta sabihin mong diversionary. Kasi, puwede ko ring sabihing diversionary ‘yung ginawa nila na mag-file ng impeachment case laban kay Vice President Sara. Dahil nga nauna ‘yung isyu na pumutok kung saan binaboy nila ‘yung budget ng 2025. ‘Yun ang hindi nila kayang sagutin. Dahil sila mismo ang umamin na talagang may mga blangko,” pahayag ni Rep. Pantaleon “Bebot” Alvarez, 1st District, Davao del Norte.

Pagdating naman sa umano’y pagbaling ng sisi sa Technical Working Group sa paggawa ng budget, payo ni Alvarez:

“Doon ako naaawa sa kanila. Ngayon, para sa akin bilang isang abogado, ganito—the best defense is always the truth. Just tell the truth,” ani Alvarez.

Matatandaang isinumite ni Alvarez ang nasabing reklamo na nagsasabing ang P241B ay kuwestiyonableng isiningit sa 2025 national budget, na nilagdaan pa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Disyembre.

Kasama ni Alvarez sa pag-file ng reklamo sina Atty. Ferdinand Topacio ng Citizen’s Crime Watch, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Raul Lambino, at Atty. Virgilio Garcia.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble