Kapangyarihang mag-import ng bigas, ipinagkaloob sa DA

Kapangyarihang mag-import ng bigas, ipinagkaloob sa DA

NAGBIGAY-daan na sa Senado si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang Kamara sa kagustuhan nito na ipagkatiwala sa Department of Agriculture (DA) ang kapangyarihan na mag-import ng bigas.

Ito ang inilahad ni Sen. Cynthia Villar sa media nang tinanong kung ano ang naging usapan nila ng Pangulo kaugnay sa pag-amyenda ng Rice Tariffication Law (RTL).

Ang pag-uusap sa pagitan ni Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture at ng Pangulo ay nangyari sa ikatlong dinner na inorganisa ng Malakanyang para sa mga senador at ang kanilang mga asawa sa nakaraang linggo.

Una na kasing hiniling ng Kamara na ibalik sa National Food Authority (NFA) ang kapangyarihan ng pag-import at maging ang pagbebenta ng bigas sa merkado.

“Nag-agree na kami at ang House of Representatives nag-usap na kami tungkol jan and they agreed with me,” pahayag ni Sen. Cynthia Villar, Chair, Senate Committee on Agriculture.

Naniniwala ang senadora na kung nasa DA ang kapangyarihan na mag-import at maging ang pagbebenta ng bigas ay maiiwas ang NFA sa isyu ng kurapsiyon.

Matatandaan na sa mga nagdaang taon ay laging dawit ang NFA sa mga maanomalyang isyu sa suplay ng bigas sa bansa kung kaya’t isinabatas ang RTL.

“Bad experience namin sa NFA. Lately lang nabili kami sa NFA para ibigay sa mga (apektado ng) disaster. Sabi nila ‘di kami pinagbilhan dahil wala silang stock tapos 2 weeks after natanggal yung NFA (staff) kasi pinagbili niya sa trader ‘yung stock ng NFA. Eh ba’t niya ipagbibili sa trader eh bawal ‘yun,” dagdag ni Villar.

Sa buwan ng Marso una nang inihayag ni House Speaker Martin Romualdez na bababa sa P30 ang presyo ng kada kilo bigas kung aamyendahan ng Rice Tariffication Law.

Pero ang nakapaloob dito na rekomendasyon ng Kamara na ibalik ang kapangyarighan ng NFA na mag-import at magbenta ng bigas ay mariing kinontra sa Senado, partikular nina Sen. Cynthia, Imee Marcos, Nancy Binay, at Sonny Angara.

“Kasi walang-wala nang tiwala ang sinumang mambabatas dito sa Senado at gayundin ang mga magsasaka. Kapag pinakialaman ang NFA, sad to say may kababalaghan,” saad ni Sen. Imee Marcos, Vice Chair, Senate Committee on Agriculture.

“When the NFA was given the power to grant quotas to import grabe ang corruption jan, grabe ang kita jan. So, I don’t know if we want to return to that kind of a system. Kasi if ‘yung goal natin is to lower the price of rice we should look at other ways because ‘yung mga lumang paraan parang medyo pag-isipan natin ‘yun,” wika ni Sen. Juan Edgardo ‘Sonny’ Angara.

Batay sa napag-usapan sa pagitan ni Villar at ni Pangulong Marcos ay bibigyan ng emergency powers ang Pangulo na mag-import kung may kakulangan sa suplay ng bigas sa bansa.

DA naman ang may emergency powers na mag-import kung masyadong mataas ang presyo nito.

Pero, ito ay may kondisyon ayon sa senadora. Una ay ipatutupad lamang ito kung magdedeklara ng “emergency” ang DA batay sa mga indikasyon o statistics.

Pangalawa, ang mga na-import na bigas ay ibebenta lamang sa gobyerno at LGU kung saan maari itong ibenta bilang subsidized rice sa mga mahihirap o ‘di kaya ay ipamahagi bilang ayuda sa mga biktima ng kalamidad.

Ipinunto ng mambabatas na makatitiyak na mura ang presyo ng bigas kung sa pagitan lamang ng mga opisina ng gobyerno ang transaksiyon dahil sa wala itong ipapataw na taripa.

“Bibigyan naman namin ng power ang DA pag mataas ang presyo ng bigas. They can import free of tariff at itutulong sa mahihirap nating kababayan at dun sa victim of calamities,” ayon pa kay Villar.

Inaasahan na maipapasa ang bersiyon ng Senado sa Rice Tariffication Law sa buwan ng Agosto.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble