Kapatid ng witness ni Sen. Risa Hontiveros, pinasinungalingan ang mga paratang vs Pastor ACQ

Kapatid ng witness ni Sen. Risa Hontiveros, pinasinungalingan ang mga paratang vs Pastor ACQ

PINASINUNGALINGAN ng sariling kapatid ng witness ni Sen. Risa Hontiveros, ang mga paratang ipinupukol nito kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

“Arlene Stone, ikaw ang pinakasinungaling sa balat ng lupa na kilala ko,” pahayag ni Estrella “Tring” Caminong-Tormis, kapatid ni Arlene Stone.

Galing ang pahayag na ito mismo sa kapatid ng witness ni Sen. Hontiveros laban kay Pastor Apollo, kasunod ng inilabas na resolusyon ng senadora na nais paimbestigahan ang mga akusasyon laban sa butihing Pastor.

Ang nasabing resolusyon ay patungkol sa umano’y human trafficking, rape at child abuse na ginagawa ng The Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na pinamumunuan ni Pastor Apollo.

Sa araw na inilabas ang resolusyon, nagpa-presscon din si Hontiveros noong Disyembre 12, kung saan inilabas nito ang video ni Arlene Stone, ang nasabing witness, kung saan tahasan nitong pinaratangan si Pastor Apollo.

Nakabase ngayon si Stone sa Minnesota sa Amerika. Aniya, full-time worker at pastoral daw siya dati at malapit kay Pastor Apollo kaya alam niya ang mga akusasyong ito laban kay Pastor Apollo at sa buong KOJC.

Samantala, sa kaniyang vlog nitong araw ng Pasko, inilahad ni Estrella Caminong-Tormis ang kaniyang buhay bilang manggagawa sa loob ng kongregasyon ng The Kingdom of Jesus Christ.

 “Ako si Tring Caminong-Tormis biological sister of Arlene Caminong-Stone.”

“Para sa kaalaman ng lahat, Arlene Stone is 7 years in the ministry as fulltime worker. And I am 32 years of being a fulltime worker in the Kingdom.”

“’Yung pagsisinungaling niya na pinilit daw siya na magfulltime. Gi-traffic daw siya, makapal lang talaga ang mukha niya siguro.”

“Yung pagiging pastoral daw niya. Wala ‘yan siya sa listahan, mga kababayan. Wala sa listahan ng pastoral.”

“Kahit anong klaseng kasinungalingan, mayroong tatayo na katotohanan,” ayon kay Estrella.

Handa namang magpatunay si Estrella laban sa sarili nitong kapatid.

“Kaya niyo ba kaming sagutin kung kami lahat tatayo sa inyong harapan, magpapatunay kung ano kayo. At kung sino si Pastor Apollo C. Quiboloy?”

“Mayron bang nagturo sa inyo na magpipi kayo?”

“Bakit? Kayo lang ba ang nagtitinda? ‘Wag mo kaming lokohin dahil ako mismo nagtitinda din ako. Ginawa ko din ang pagtitinda, kahit minsan hindi ko ginawa ang magpipi kagaya ninyo,” ayon pa kay Estrella.

Samantala, nagbabala naman si Estrella kay Hontiveros sa kasinungalingan ni Stone, at aniya, ‘wag nitong ibaba ang kalidad ng pagiging senadora dahil lang sa pagiging uto-uto sa mga akusasyon.

“Kawawa naman ‘yung mga bobong tao na mauto niyo. Senator Risa Hontiveros, mataas ang pagtingin ko sa inyo, ma’am. Pero kung itong mga taong ito ang mag-uuto lang sayo, mabuti pa ang Grade 1 section ma’am,”

“’Wag niyong ibaba ang inyong kalidad ng pagkasenador. Mauto lang pala kayo ng mga sinungaling na ito.”

“Attention, honorable senators, your honor, ‘wag kayong magpapauto sa mga ito,” dagdag ni Estrella.

Samantala, handa naman at hindi natatakot si Estrella na humarap at ilahad ang katotohanan para kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble