Karagdagang P1-B hiling ng COMELEC para simulan ang pagtatayo ng bagong headquarters

Karagdagang P1-B hiling ng COMELEC para simulan ang pagtatayo ng bagong headquarters

SA patuloy na pagdinig ng Senado sa panukalang 2023 budget ng Commission on Elections (COMELEC) ay tila tagilid o alanganin ang simula sa pagpapatayo ng kanilang bagong headquarters dahil sa kakulangan ng inilaang budget ng Department of Budget and Management (DBM).

Umaapela ang COMELEC na dadagdagan pa ng Senado ng isang bilyong piso ang kanilang 2023 budget para sa pagtatayo ng bagong COMELEC building.

Aminado ang COMELEC na mahihirapan ito kung mananatili sa P500-M ang magiging 2023 budget para sa pagtatayo ng bagong headquarters nito.

Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance para sa panukalang budget ng komisyon para sa 2023 ay tinanong ni Senador Imee Marcos kung papaano sisimulan ang nasabing proyekto sa susunod na taon.

Sagot naman ni COMELEC Chairman George Garcia wala o posibleng kakaunting kontraktor lamang ang sasali para sa bidding ng proyekto dahil sa liit ng budget.

Ayon sa COMELEC nangangailangan ito ng P1.5-B para simulan ang konstruksyon ng bagong headquarters sa susunod na taon, ngunit P500-M lamang ang inilaaan ng DBM.

Ang itatayong bagong gusali ng COMELEC ay tinatayang nagkakahalaga ng P9.377-B pero inaasahan naman na nasa P21-B ang matitipid sa loob ng 50 taon.

Ayon kay Garcia, 159 million pesos ang nagagastos ng COMELEC sa pagrerenta sa Palasyo del Gobernador sa Intramuros bilang headquarters, kalakip na sa nasabing halaga ang renta sa iba pang ginagamit na warehouses.

Sabi ni Garcia, ang House Committee on Appropriations ay una nang nangako ng karagdagang P500-M.

“Nagpapasalamat po tayo sa House Committe on Appropriations dinagdagan nila ng 500 million so naging 1 billion at sana naman po pagdating sa plenaryo ng Senado ay dadagdagan pa because we will be needing 1.5 billion para sa unang pagpapagawa,” ani Garcia.

Sa kabila ng panawagan ni Garcia na dagdagan ang kanilang budget ay wala namang commitment dito ang Senado.

 

Follow SMNI News on Twitter