TUMATAAS ang mga naitatalang kaso ng Chikungunya sa Pilipinas sa nakalipas na mga buwan.
Sa huling ulat ng Department of Health (DOH), pumalo na sa 551 ang naitalang kaso ng Chikungunya sa bansa, 589% na mas mataas kumpara sa parehong panahon noong 2021.
Partikular sa nakapagtala ng pagtaas ng kaso ng sakit sa mga lugar na nalubog sa tubig-baha dahil sa mga pag-ulan na dulot ng Severe Tropical Storm Paeng.
Ayon sa DOH, hindi kasing lubha ng dengue ang Chikungunya ngunit wala pa ring bakuna o gamot laban dito kaya’t hinihikayat ang lahat na panatilihing malusog ang sarili at malinis ang kapaligiran upang hindi mabiktima nito.
Kabilang sa sintomas ng sakit ang mataas na lagnat, biglaang pamamantal, labis na sakit ng ulo, pananakit at pamamaga ng kasu-kasuan, pananakit ng kalamnan, pagduduwal at pagkahapo.