INAALAM na ng Philippine National Police (PNP) kung may mga pulis na posibleng kasabwat sa na-misplaced na mga case folder ng mga tiwaling pulis na una nang naiulat na nawawala sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ito ang inihayag ni PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo matapos ang ginawang inventory ni NCRPO chief PMGen. Jose Melencio Nartatez, Jr.
Ayon kay Fajardo, bagama’t natagpuan na ang sinasabing mga nawawalang case folder, tuloy pa rin aniya ang pagkakaso sa mga posibleng nasa likod ng mga pagtatago o cause of delay sa mga kaso ng mga police scalawag.
Sa ngayon, hindi lang sa NCRPO ipinag-utos na gawin ang inventory kundi maging sa iba pang regional offices nito para matigil na ang mga kahalintulad na insidente.
Nauna na nitong ipinaliwanag na na-misplaced ang mga case folder dahil sa kakulangan ng maayos na turnover ng mga pulis na humahawak sa mga kaso matapos silang mare-assign sa ibang lugar o unit.