Kasong administratibo vs 12 pulis na sangkot sa hulidap, tuloy—PNP

Kasong administratibo vs 12 pulis na sangkot sa hulidap, tuloy—PNP

TINITIYAK ng Philippine National Police (PNP) na hindi makalulusot ang 12 tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-NCR  na sangkot sa hulidap nitong nakaraang linggo sa Parañaque City.

Ito’y matapos na bawiin ng mga biktimang Chinese nationals ang kanilang reklamo laban sa mga pulis na sinasabing nagnakaw ng mga mamahaling relo, alahas, pera, at kalauna’y pangingikil ng aabot sa P10-M kapalit ng kalayaan ng mga biktima.

Sa panayam sa tagapagsalita ng PNP na si Police Colonel Jean Fajardo, hindi pa rin ligtas ang mga sangkot sa hulidap.

Aniya, tuloy ang pagsasampa ng kasong administratibo laban sa mga pulis, kung mapatutunayang may paglabag ang mga ito mula sa ginawang operasyon.

 “But just the same, the criminal case may not prosper because there was a denial on the part of the victims. However, hinahawakan na ngayon ng Internal Affairs Service (IAS),” pahayag ni pcol. Jean Fajardo.

Sa ngayon, patuloy ang pag-aaral ng PNP-IAS kaugnay sa karagdagang impormasyon na tutukoy sa posibleng iregularidad na ginawa ng mga tauhan ng PNP CIDG-NCR.

“Kung magkakaroon ng probable cause. Doon sa nagconduct ng checkpoint,” dagdag ni pcol. Fajardo.

Sa kabilang banda, naniniwala si PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. Na may kaduda-duda sa operasyon na ito kabilang na ang kawalan ng pre-operation, inquistable din dapat aniya ang proseso pero hindi ito ginawa ng mga operatiba sa mga nahuling mga suspek at kalauna’y napalaya rin.

Ani Azurin, kailangang bantayan ang kaso hanggang may mapanagot upang hindi mapamarisan ng iba pang kawani ng organisasyon.

 “Itutuloy natin kasi inquistable dapat yun,” ani Azurin.

Samantala, inaasahan sa susunod na mga araw ay magtatalaga ang PNP ng bagong hepe ng PNP CIDG-NCR matapos na alisin sa puwesto si pcol. Hansel Marantan dahil sa pagkakasangkot ng mga tauhan nito mula sa nasabing isyu.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter