Suspek ng ‘appointment and government project for sale’ scam, tiklo ng CIDG

Suspek ng ‘appointment and government project for sale’ scam, tiklo ng CIDG

NASA kamay na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang umano’y nasa likod sa “position for sale” at “government project for sale” scam.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nakatangay ng milyun-milyong halaga ang suspek na kinilalang si Edward Diokno Eje sa mga biktima nito mula sa mga personalidad sa showbiz at maging mga politiko.

Target ni Eje ang mga nagnanais na magkaroon ng posisyon at malaking proyekto sa gobyerno sa Taguig City.

Ang nakakabigla dito, gumagamit si Eje ng mga maiimpluwensyang politiko katulad nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., Bise Presidente Sara Duterte, Executive Secretary Lucas Bersamin, at Department of Interior and Local Government Benhur Abalos Jr. para sa kanyang panloloko.

Si Rosana Roces na kilalang artista, agad na sumugod sa tanggapan ng CIDG nang mabalitaan ang pagkakadakip sa suspek.

Inihayag ni Roces na inalok siya ng suspek ng kontrata para siya ang humawak ng buong manpower maintenance sa isang building sa Parañaque kapalit ng P8 milyon kung saan nakapagbigay siya ng cash na P3.5 milyon pero walang isang kontrata ang kanyang pinirmahan o napasakamay man lang.

Bukod kay Roces, sumugod din ang ilang malalaking negosyante sa CIDG na hindi na nagpabanggit ng pangalan.

Sa taya ng CIDG, naglalaro mula sa isang milyon hanggang 330 milyong piso ang nakulembat ng suspek sa mga biktima nito kapalit ng posisyon sa gobyerno at malalaking proyekto.

Habang ang tatlong Viva Hot Babes na sina Gwen Garci, Maui Taylor at Jen Rosendah, ay kasama rin sa mga nasa listahan ng suspek na naloko ng malaking halaga.

Umaasa ang abogado ng ilang biktima na makakamit ng kanyang mga kliyente ang hustisya at hindi na ito mapamarisan pa.

Nangako naman si Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz, na hindi nila ito palalagpasin na kaso lalo pa’t nadadamay ang mismong tanggapan ng Pangulo at iba pang ahensiyya ng pamahalaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter