Kasong rape with homicide vs 11 respondent ng Dacera case, ibinasura

IBINASURA ng Makati City Prosecutor’s Office ang rape case with homicide laban sa 11 suspek na isinasangkot sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.

Sa 19-pahinang resolusyon na inilabas ni Makati City Prosecutor Joan Bolina-Santillan, nakasaad na ibinasura ang reklamo dahil sa kawalan ng probable cause lalo’t hindi napatunayan na may nagawang krimen ang mga respondent.

Nabanggit din sa resolusyon ang pahayag ng PNP na ‘ruptured aortic aneurysm’ ang ikinamatay ni Dacera.

Kabilang sa mga inabswelto sa kaso ay sina John Pascual dela Serna III, Rommel Galido, John Paul Halili, Gregorio Angelo Rafael de Guzman, Jezreel Rapinan alias Clark Rapinan, Alain Chen alias Valentin Rosales at Val, Mark Anthony Rosales, Reymar Englis, Louie Delima, Jamyr Cunanan at Eduardo Pangilinan III.

Matatandaang Enero 1 nang matagpuang wala ng buhay si Dacera sa inupahang kuwarto sa City Garden Grand Hotel sa Makati City matapos ipagdiwang ang Bagong Taon kasama ang mga respondent.

(BASAHIN: Pagkamatay ni Christine Dacera, pinanindigan na walang foul play)

SMNI NEWS