NITONG umaga ng Miyerkules, Enero 10, 2024 ay ginawaran ng arrival honors si Indonesian President Joko Widodo sa Kalayaan Grounds sa Malacañang.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang naturang arrival ceremony.
Kasunod nito, nagsagawa ng bilateral meeting sina Pangulong Marcos Jr. at President Widodo sa Palasyo.
Nasa pulong din ang mga cabinet official ng Pilipinas kasama ang kanilang Indonesian counterparts.
Kasabay rito, iniulat ni Pangulong Marcos na nilagdaan ng Pilipinas at Indonesia ang isang memorandum of understanding (MOU) kaugnay ng pagtutulungan sa enerhiya.
Nilalayon nitong tiyakin ang seguridad ng enerhiya para sa dalawang bansa.
“Through this MOU, our countries create a new synergy as we cooperate to achieve energy security,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang mga nilagdaang MOU ay sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Indonesian Foreign Affairs Minister Retno Marsudi na sinaksihan nina Pangulong Marcos at President Widodo sa President’s Hall sa Palasyo.
Inilahad ni Pangulong Marcos na ang nasabing MOU ay bunga ng matagumpay na pag-uusap ng Pilipinas at Indonesia sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE) at Ministry of Energy and Mineral Resources ng Indonesia.
Sa isang statement, sinabi naman ni DOE Secretary Raphael Lotilla na ang paglagda sa MOU sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ay nagpapatibay at nag-a-update sa long-term energy cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa ilalim ng MOU, nagkasundo ang Pilipinas at Indonesia na pabilisin ang kooperasyon sa pagitan ng kani-kanilang business sector, partikular na sa mga panahon ng kritikal na paghihigpit sa supply sa energy commodities tulad ng coal at liquefied natural gas (LNG).
Ang MOU ay nag-aalok din ng mga potensiyal na benepisyo sa economic, environmental, at geopolitical dimensions.
Ito ay sa pamamagitan ng kolaborasyon sa energy transition, renewable energy, demand-side management, electric vehicles, at alternative fuels tulad ng hydrogen, ammonia, at biofuels.
Inihayag naman ni President Widodo na welcome para sa kaniya ang kooperasyon ng dalawang bansa sa usapin ng enerhiya.
“I welcome the signing of the MOU on energy cooperation and thank you for the Philippines’ support of Indonesia’s chairmanship in ASEAN last year,” ayon kay Indonesian President Joko Widodo.
Bukod sa energy security, may isa pang MOU ang Pilipinas at Indonesia ukol sa science at technology na malapit nang matapos.
Samantala, pinuri naman ni Pangulong Marcos ang matagumpay na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) chairmanship ng Indonesia noong 2023.
Muli ring pinasalamatan ni Pangulong Marcos si President Widodo sa pagkakaroon ng oras upang bumisita sa Pilipinas.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng relasyon ng Pilipinas at Indonesia kung saan ginawa nito ang kaniyang inaugural state visit sa naturang bansa.
“The success of that visit not only served as a testament to our continuing and flourishing bilateral ties, but it also enabled us to forge new partnerships and collaboration in new areas of cooperation like renewable energy, creative economy, infrastructure development, and other industrial development that have since that time a reason as opportunities for both our country,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Nasa bansa si Pangulong Widodo para sa tatlong araw na opisyal na pagbisita.
Mananatili ang Indonesian President sa Pilipinas hanggang Huwebes.