Kasunduan para mapalakas ang kampanya kontra droga, nilagdaan ng PNP

Kasunduan para mapalakas ang kampanya kontra droga, nilagdaan ng PNP

LUMAGDA ng kasunduan ang Philippine National Police (PNP) at Battle Against Drugs (BAD) upang palakasin ang paglaban sa iligal na droga sa bansa.

Pinangunahan nina PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. at B.A.D. Founder/President Dr. Danilo Bornales ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) na ginanap sa Camp Crame, Quezon City.

Ang BAD ay isang non-government organization na nagsasagawa ng training, symposium at seminar sa iba’t ibang pampubliko at pribadong paaralan at komunidad tungkol sa masamang epekto ng iligal na droga sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at stakeholders.

Ayon kay Azurin, ang pakikipagtulungan nila sa BAD ay patunay sa hangarin nila na sugpuin ang kriminalidad at iligal na droga na unti-unting sumisira ng magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., nakapagsagawa ang PNP ng 18,505 anti-illegal drug operations, kung saan nakumpiska ang 9.7 bilyong pisong halaga ng iligal na droga at nahuli ang 22,646 drug personalities.

Follow SMNI NEWS in Twitter