ITATAYO ang kauna-unahang multi-specialty hospital sa Pampanga.
Dinaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang iba’t ibang aktibidad sa lalawigan ng Pampanga.
Kasama ang paglunsad ng Multi-Specialty Medical Center at Kadiwa ng Pangulo sa memorandum of agreement (MOA) signing.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang briefing at site inspection ng Clark Multi-Specialty Medical Center (CMSMC) sa Clark Freeport Zone sa Pampanga nitong umaga ng Lunes, Hulyo 17, 2023.
Sa kaniyang talumpati, nangako si Pangulong Marcos na hindi titigil ang kaniyang administrasyon hangga’t ang bawat Pilipino ay may access sa abot-kaya at de-kalidad na pangangalagang pangkalusugan.
Ang naturang medical center ay itatayo sa isang 5.7-hectare property sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue sa Clark Freeport Zone.
“I am happy that the Province of Pampanga, Region 3, will again have this additional medical facility. It will also cater to patients not only from Region 3, but Regions 1, 2 and Metro Manila for the specialties in the heart, kidney, cancer and pediatric ailments,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa kabuuan, humigit-kumulang P10-B ang nakalaang pondo para matapos ang lahat ng proyektong ito.
Saad pa ng Punong Ehekutibo, ang CMSMC ay katuparan din ng kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) at bahagi ng Health Facility Enhancement Program (HFEP).
Nilalayon ng naturang programa na palawakin ang access sa mga de-kalidad na serbisyong medikal sa bansa, partikular na sa mga lugar na may limitadong mga pasilidad.
Pangulong Marcos, nangakong magtatatag ng mas maraming Rural Healthcare Units at Brgy. Health Centers
Samantala, tiniyak naman ng Punong Ehekutibo na magbubukas pa ang pamahalaan ng mga bagong healthcare facilities at specialty centers sa buong bansa.
“Rest assured, this administration is determined to bring quality healthcare services closer to Filipino people. We will establish more primary healthcare facilities and specialty centers nationwide,” ayon kay Pangulong Marcos.
Nangako rin si Pangulong Marcos na magtatag ng Rural Healthcare Units at Barangay Health Centers.
“We will establish rural healthcare’s units, we will establish barangay centers, we will establish Botika de Barangay, we will go back to that idea. Starting from the barangay health workers who play an important part in this system to the RHUs, to the PRVL hospitals to the tertiary level care hospitals and to grand Multi-Specialty Medical Centers such as here in Clark,” ani Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang pangangalagang pangkalusugan ay isang mahalagang bahagi ng kaniyang administrasyon dahil sa mga aral na natutunan sa panahon ng pananalasa ng pandemya na nakaapekto sa mga tao anuman ang katayuan sa lipunan.
Mahalaga aniyang maging handa para sa anumang ganitong pangyayari sa hinaharap.
Samantala, pinasalamatan ng Punong Ehekutibo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ang Clark Development Corporation (CDC) sa pangunguna sa proyekto sa pakikipag-ugnayan sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ipinaabot din ni Pangulong Marcos ang kaniyang pasasalamat sa Department of Health (DOH), pamahalaang panlalawigan ng Pampanga, at iba pang stakeholder sa pagtatayo ng CMSMC.
Sa kasalukuyan, mayroong 45 lisensiyadong ospital sa lalawigan ng Pampanga kabilang ang 28 Level 1 na ospital; 14 Level 2 na ospital kabilang ang OFW Hospital; at tatlong Level 3 na ospital.