NAKATAKAS sa kustodiya ng Kenya Police ang isang lalaking itinuturong suspek sa pagkamatay ng kaniyang girlfriend sa Boston, Massachusetts, USA.
Ayon kay Nairobi, Kenya Police Chief Adamson Bungei, sumakay ang suspek na kinilalang si Kevin Adam Kinyanjui Kangethe sa isang private-owned minivan matapos nakuhang makaalis sa police station.
Inaresto na ang mga pabayang pulis kaugnay dito ayon sa police chief.
Sa ulat, inaantay ng suspek ang naka-pending na extradition ruling dahil nahaharap ito sa isang first-degree murder na kaso ng kaniyang girlfriend noong Oktubre 2023.
Sinasabing iniwan ng suspek ang labi ng kaniyang girlfriend sa Logan International Airport sa Boston bago ito sumakay sa kaniyang flight papuntang Kenya.
Enero 2024 pa nang ito ay maaresto sa Kenya.
Sa panig ng Estados Unidos, ibinahagi nilang tinalikuran na ng suspek ang kaniyang pagiging American citizen kung kaya’t para sa kanila, mahirap ang proseso dahil kailangan pa ang extradition upang malitis ang suspek sa kanilang bansa.