Koalisyon ng iba’t ibang sektor para pigilan ang posibleng giyera sa WPS, ilulunsad

Koalisyon ng iba’t ibang sektor para pigilan ang posibleng giyera sa WPS, ilulunsad

PARA pigilan ang posibleng giyera sa West Philippine Sea (WPS)—isang koalisyon ang ilulunsad ngayong linggo na bubuuin ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Sa panayam sa Pulso ng Bayan sa SMNI, sinabi ni Adolfo Paglinawan, isang dating press attache, na ito ang mabisang paraan para ipaabot ang kanilang boses sa Marcos Jr. administration.

“At ngayon ay nabuo na ito ay nationwide coalition ng mamamayan kontra giyera. No to US-BBM Proxy War,” saad ni Adolfo ‘Ka Ado’ Paglinawan, Dating Press Attaché | Political Analyst.

Tutol ang grupo sa pagdami pa ng EDCA bases sa bansa laman ang mga gamit pagdigma ng mga Amerikano.

Lalo na ang estratehikong paglalagay ng mga ito sa lugar malapit sa Taiwan—malapit sa mga lugar sa Norte kung saan naroon din ang mayorya ng EDCA sites.

“Dahil sa walang tigil na mga utak pulbura sa ating lipunan kung saan wala namang nakikitang kaaway ang sambayanan ay para bang dito nakatutok ang atensyon ng ating Pangulo. Sa harap ng malawakang kahirapan,” dagdag ni Paglinawan.

Diin ni Paglinawan, may mga dating senador ang kasapi sa kilusang ito.

“Nandiyan ang ating kagalang-galang na dating senador Nikki Coseteng, nandiyan ang dati nating Senador si Franciso Tatad,” aniya.

Sa Abril 24, araw ng Miyerkules, sa Quezon City Sports Club, ilulunsad ang koalisyon kontra giyera.

“Mga kabansa, ikakalat namin ang manifesto na ito at kung sa inyong pananaw ay kontra-giyera at pro-peace kayo, kayo ay para sa kapayapaan hindi sa kaguluhan—pumirma po kayo dahil ikakalat namin ito sa sambayanan para malaman na ninyo kung ano talaga ang ginagawa ng ating gobyerno. Palapit tayo nang palapit sa kapahamakan,” diin nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble