ILANG oras bago ang pagdinig ni Risa Hontiveros ay daan-daang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang nagtungo sa Senado para isigaw ang kanilang suporta kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
Matapos ang malawakang rally na ginanap sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at sa ibang bansa araw ng Lunes ay nasa Senado naman ngayon ang mga supporter at mga lider ng KOJC.
Sa bitbit na mga placard ipinapakita ang malakas na pagkakaisa laban sa anila’y mapang-aping imbestigasyon ni Hontiveros sa Senado kay Pastor Apollo.
Sigaw nila, “Itigil ang pang-aabuso ng kapangyarihan”; “Sa korte ang hukuman at hindi sa Senado”.
Sa mga nagdaang pagdinig ni Hontiveros, lumutang ang iba’t ibang reklamo laban kay Pastor Apollo batay sa kuwento ng mga witness na nakatakip ang mukha.
Ang Senate Committee on Women and Children ay nagpadala na ng subpoena kay Pastor Apollo at mamaya ay inaasahan ni Hontiveros ang presensiya ni Pastor Apollo sa pagdinig.
Pero kung matatandaan, una nang sinabi ni Pastor Apollo na hindi niya ito sisiputin.
Iginiit ni Pastor Aapollo na kaniyang paninindigan ang kaniyang constitutional right at hinamon ang senadora na dalhin ang reklamo sa korte.
Ayon kay Hontiveros sakaling ‘di sisipot si Pastor ay kaniya itong i-cite in contempt at ipapaaresto.