HINDI kailanman mananahimik ang mga Pilipino sa ngalan ng kalayaan.
Ito ang binigyang-diin ng beteranong broadcaster na si Jay Sonza sa naganap na prayer rally sa Liwasan Bonifacio kung saan panawagan ng mga tagasuporta ni Pastor Apollo C. Quiboloy na ibalik ang kapangyarihan at kalayaan sa taong-bayan.
Ayon kay Sonza, magpapatuloy ang malayang pamamahayag hanggang nariyan ang Sonshine Media Network International (SMNI).
“’Wag mabahala kung sa kasulukuyan ay hindi napapanood sa free TV ang SMNI. Pero hindi ‘yan sangka para sa malayang pamamahayag sapagkat tuluy-tuloy ang ating pakikibaka para sa kalayaan ng pamamahayag,” pahayag ni Jay Sonza, Veteran Broadcaster.
Matatandaang sinuspinde ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng SMNI matapos kuwestyunin ng Kongreso ang prangkisa nito.
Kaugnay ito sa kontrobersiyal na pagtatanong ng isang host ng SMNI sa travel expense ng House Speaker.
Sa kabila ng mga panunupil na ito, sinabi naman ni Sonza na subok na ang tapang ng mga Pilipino noong panahon ng Martial Law kaya naman hindi na ito matatakot na magpahayag.
“Habang kami ay nandito, habang anjan ang SMNI, tayo ay magbubuklod-buklod upang ituloy ang laya ng pamamahayag” dagdag ni Sonza.