NASILIP ng isang tech editor at web developer ang posibleng kaugnayan ng opposition group na 1Sambayan coalition sa isa sa mga election watchdog sa bansa, ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL).
Ayon sa tech editor na si Art Samaniego, ang NAMFREL ang nagho-host sa application ng 1Sambayan na 1SAMA ako.
Ang NAMFREL ang isa sa mga naunang election monitoring group sa Pilipinas.
At dapat ay non-partisan o neutral daw ang grupo.
Accredited ito ng Commission on Elections o COMELEC para magsagawa ng Operation Quick Count sa eleksyon.
Umabot naman sa 21 eleksyon ang nasalihan ng NAMFREL.
“Ang host name ng IP address ng isama.1sambayan.org- namfrel-test-vm.teravibe.com. So nagtaka kami? Bakit ganun? Bakit may NAMFREL? Bakit ginamit yung pangalan ng NAMFREL?” tanong ni Samaniego.
Bukod dito, naugnay din ang IP address ng NAMFREL sa Facebook page ng Vote For Us, na ang ilang post ay naka-share sa Facebook page ng ilang COMELEC regional offices.
“At napansin namin, may nagshe-share na ang pangalan ay comelec na ang pangalan ay comelec. Comelec Aurora, Comelec Baguio. So nagtanong din kami bakit ninyo shini-share yung mga post na galing kay NAMFREL na sinusuportahan ng Sambayan?” kwestyon pa ni Samaniego.
“So itong Vote For Us, maaaring project to ng NAMFREL kasi sila yung magka konekta eh. Pero ang tanong namin, bakit si NAMFREL na dapat non-partisan siya, bakit nandun kasama niya, ba’t niya hino-host yung 1Sambayan app? Na halatang partisan, na anti-Duterte,” dagdag ni Samaniego.
Samantala, nilinaw ni Samaniego na kung idadaan sa technicality ay walang problema ang ginawa ng NAMFREL.
“So technical walang isyu dun eh kasi kayang gawin. Ano to, ethical siguro yung tanong o moral issue yung tanong natin ngayon. Kasi kung technical, kayang kayang gawin talaga,” wika ni Samaniego.
Private information ng mga gagamit ng 1Sambayan app, posibleng manakaw — Tech Editor
Samantala, nakitaan naman ng data breach ang 1sambayan app.
Babala ni Samaniego, posibleng manakaw ang impormasyon ng mga nag-parehistro gamit ang app.
“Kumpleto ‘yung mga data na pwede nang gamitin against you. Kasi ang mga kasamang data niya ay Apple ID, address, birthday, birthday mo. Ah email address, Facebook ID. Tapos meron pang full name, Google ID mo, phone number, password, pati profile picture mo, username saka profession kasama lahat yun. Itong mga detalye na to pwede nang gamitin para manakaw yung identity mo,” ani Samaniego.
Batay naman sa impormasyon na nakalap ng kampo nina Samaniego, mahigit sa 3,000 katao ang naapektuhan ng data breach gamit ang 1Sambayan app.
(BASAHIN: Taumbayan, hindi na maloloko —Pastor Apollo C. Quiboloy)