MATAPOS ang ilang buwang pagtalakay ay naisapinal na ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang 2022 budget na ipagkakaloob sa NTF-ELCAC- ang anti-insurgency task force ng gobyerno.
Sa Kamara, hindi ginalaw ang P28 billion na request ng Malacanang.
Pero sa Senado, P24 billion agad ang inisyal na tinapyas sa pondo ng task force para sa 2022.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara, ang P24 billion na inalis nila sa NTF-ELCAC ay ililipat sa Department of Health (DOH) at sa iba pang ahensya at programa ng gobyerno na pantugon sa COVID-19 pandemic.
Kalaunan nagbago ang isip ng mga senador at inakyat sa P10.8 billion ang pondo.
Pero sa pagtatapos ng Bicameral Conference Committee ngayong araw, itinaas sa P17.1 billion ang budget ng task force.
“95% of that is lodged in the Barangay Development Fund, yun yung menu for projects na pinagpipilian ng mga local government units. So yun ang gusto ng- yun almost all senators are united there. Ayaw nilang ilagay sa mga maintenance, mga training ganun. Gusto nila nakikita talaga ng tao yung resulta ng proyekto,”pahayag ni Angara.
“Gusto namin talaga is P29 billion siya. Kung marerember natin sa House, hindi namin siya ginalaw talaga eh. So nagkaroon nalang kami ng compromise-compromise to hanggang sa nagkaroon nalang kami ng P15 billion good enough para halos malapit-lapit po sa ELCAC last year. Fiscal year 2021,” ayon naman kay Representative Eric Go Yap.
Ngayong taon, nasa P19 Billion ang pondo ng task force- P16 billion dito ang inilaan para sa Barangay Development Program.
Sa ilalim nito, pinagkalooban ng infrastructure at livelihood programs ang mga lugar na biktima ng harassment at recruitment ng CPP-NPA-NDF.