NTF-ELCAC, makatatanggap ng P4-B na pondo para sa 2022 batay sa bersyon ng Senate Committee on Finance

NTF-ELCAC, makatatanggap ng P4-B na pondo para sa 2022 batay sa bersyon ng Senate Committee on Finance

MAKATATANGGAP na lamang ng P4-B na pondo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa 2022 batay sa bersyon ng Senate Committee on Finance.

Kung suportado ng kamara ang P28-B na pondo ng NTF-ELCAC na nakalagay sa 2022 National Expenditure Program ng executive, ay baliktad naman ito pagdating sa senado.

Sa bersyon ng Senate Committee on Finance ay makakakuha lamang ng P4-B pondo ang Task Force para sa kanilang proyekto sa susunod na taon.

Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) at bersyon ng kamara ay makakatanggap ng P28.1-B pondo ang Task Force para sa kanilang barangay development program.

Ayon kay Senator Sonny Angara, nalalakihan aniya ang mga senador sa P28-B para sa Brgy. Development project.

Katwiran pa ni Angara na tinapyasan nila ang pondo ng ELCAC para mataasan ang pondo para sa COVID-19 health response at para sa mga benepisyo ng mga health workers.

Ilan aniya sa binigyan nila ng pondo ay ang special risk allowance ng mga ito at ang para sa booster shots.

Nilinaw ni Angara na sakabila ng budget cut ay makatatanggap pa rin ng P5-M ang nasa 850 na Brgy. sa ilalim ng BDP ng Task Force.

Pero ang malaking tapyas sa pondo ng ELCAC ay dadaan pa sa mga deliberasyon sa senado at maging sa Bicam.

Matatandaan na bago ito ay ilang beses na pinag-initan ng mga senador ang budget ng ELCAC dahil sa issue ng red tagging.

Una ng nagsabi ang ELCAC na truth tagging ang ginagawa ng mga ito laban sa mga kaaway ng gobyerno.

SMNI NEWS