NAKATAKDANG tumaas sa susunod na taon ang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang inihayag ni Rey Baleña, Senior Manager ng Corporate Communication ng PhilHealth sa Laging Handa public briefing.
Aniya, tataas sa 4.5% ang kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth sa susunod na taon batay sa nakasaad sa Universal Healthcare Law para sa 2023.
“So, kung ngayong taon ay 4%, so magkakaroon tayo ng adjustment to 4.5%. Iyan po ay ia-apply natin sa atin pong monthly salary o doon sa ating monthly income; at ang atin pong ipapatupad naman na ceiling ay P90,000. So, kung ngayon ay P80,000, sa susunod na taon ay P90,000,” pahayag ni Baleña.
Muli namang ibinahagi ni Baleña kung papaano ang magiging arrangement ng paghuhulog ng contribution sa pagitan ng mga empleyado at ng kanilang mga employers.
“Well, kung ang atin pong direct contributor member ay isang empleyado at nasa ilalim ng employer-employee relationship ay mayroon po tayong kapartner sa pagbabayad ng ating buwanang kontribusyon sa PhilHealth, at ito po ay 50-50. So, iyong kalahati ay sagot ng ating employer at iyong kalahati, iyon naman po ang ibabawas sa atin pong buwanang kinikita,” ayon kay Baleña.
Dagdag pa ng PhilHealth official, napakaimportante ng kontribusyon sa national health insurance program na itinadhana ng Universal Health Care Law.
Ipinaliwanag naman ni Baleña na kailangang ipatupad ng PhilHealth ang premium adjustment nang sa gayun, mabigyan ang bawat Pilipino ng karampatang access sa mga serbisyong medikal.
Kaakibat din nito ay mabigyan ang mamamayan ng sapat na financial protection.
“Sapagkat alam naman natin na may gastos po ang ating pagpapagamot, pagpapaospital, at diyan po pumapasok ang PhilHealth, iyong ayuda o tulong ng PhilHealth. At ang atin pong mga ayuda o benepisyo ay nanggagaling diyan,” ani Baleña.
Inilahad pa ni Baleña na isa sa mga paglalaanan ng contributions ay batay sa benefit plan para sa 2023 at patuloy pang pinalalakas ang KonSulTa benefit package.
Sa ilalim ng KonSulTa package, mayroong consultation, health risk screening, pang laboratoryo, at pantustos ng mga gamot.
Bukod dito, malaki rin ang maitutulong ng kontribusyon ng PhilHealth para matustusan ang mga benepisyong gaya ng outpatient package for mental health na iro-rollout sa 2023.
At dahil hindi pa tapos ang pandemya, nariyan pa rin ang COVID-19 benefit package na kasama sa tutustusan ng PhilHealth.
Bilang pagsuporta ito sa kampanya ng pamahalaan na masugpo ang COVID-19 pandemic.