TINITIYAK ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil sa Commission on Elections (COMELEC) ang kapani-paniwalang halalan ngayong Mayo.
Ayon kay Marbil, paiigtingin pa nila ang latag ng seguridad sa Mayo sa layong mapanatili ang peace and order ng bansa sa gitna ng paghahanda para sa midterm elections hanggang sa pagtatapos nito.
Bukod sa kriminalidad, tututukan din ng PNP ang usapin sa paglaganap ng ilegal na droga, kasama na ang pagpapalakas sa cybersecurity habang naghahanda sa mga posibleng hamon sa eleksiyon.
Binabantayan din ng pulisya ang banta ng “fake news”, presensiya ng mga ilegal na armas at private armed groups (PAGs) bagamat nananatili pa rin sa tatlo ang aktibong PAGs sa listahan ng PNP.
Nauna nang ipinangako ng PNP na tatapusin ang problema ng PAGs hanggang sa buwan ng Marso para ‘di tuluyang makaapekto sa resulta ng halalan.