Kultura at paggawa ng sikat na tsaa sa Fujian, China, ipinamalas sa isang PH media tour

Kultura at paggawa ng sikat na tsaa sa Fujian, China, ipinamalas sa isang PH media tour

IPINAMALAS sa isang Philippine media tour ang kultura at paggawa ng sikat na tsaa sa Fujian China.

Lugar na pinagmulan ng isa sa mga pinakasikat na tsaa sa buong mundo, binisita ng SMNI News kasama ang iba pang media mula sa Pilipinas sa Anxi County sa Fujian, China.

Mula Quanzhou City sa Fujian, China, bumiyahe ang Philippine media delegation ng higit isa at kalahating oras patungo sa Anxi County.

Ipinamalas dito ang mayamang tea culture at paggawa ng tsaa ng bansang China.

Isa ang Anxi sa pinakamalakaking tea producer sa nasabing bansa at sa buong mundo.

Kilala ang Anxi sa isang klase ng oolong tea na tinatawag na Tie Guan Yin.

“Anxi is famous for oolong tea. So we have like world famous tea brand Tie Guan Yi. This one can be called the tea capital in the whole world. It is one of the most important tea export cities, counties in China,” pahayag ni Wendy Wu, Anchor, Quanzhou Maritime Silk Road International Communication Center.

Pero bakit nga ba tinatangkilik ang Tie Guan Yi sa buong mundo?

Dito sa exhibition hall sa Anxi, Fujian Province na isa sa pinakamalaking producer at exporter ng sikat na Tie Guan Yin. Anila special ang Tie Guan Yin dahil dadaan ito ng 10 step procedure upang makuha ang tamang aroma at lasa.

Ayon sa isang tea master na si Chen Liang Gu na higit 30 taon na sa industriya ng tea-making, kakaiba ang Tie Guan Yin dahil sa proseso ng paggawa nito na tatagal ng 36 na oras o higit pa.

Tinatangkilik aniya ang ganitong klaseng tsaa dahil sa mga benepisyong nakukuha sa pag-inom nito.

“Anti-aging. Anti-oxidation. So they have the good elements inside the tea. My mother is 96 years old now and she drinks Tie Guan Yun everyday,” ayon pa kay Wu.

Matatagpuan ang Tie Guan Yin sa menu ng karamihan sa mga Chinese restaurant sa buong mundo.

Maliban sa malaking demand ng Tie Guan Yin sa tea market, ang tsaang ito ay madalas na tinatangkilik bilang pangunahing regalo sa mga okasyon.

At dahil nandito na rin tayo sa Anxi County, hindi rin natin pinalagpas ang pagkakataon na matikman ang sikat na Tie Guan Yin.

Dito ipinatikim sa akin ang isang klase ng nasabing tsaa na nagkakahalaga lang naman ng 2000 Yuan o katumbas ng higit P15,000.

May mas mamahal pa aniya dito depende sa tagal ng proseso ng paggawa nito.

Binigyang-diin din na ang tsaa ay higit pa sa isang inumin ngunit isang pilosopiya.

“It’s not only a drink. But also a kind of philosophy in the Chinese Culture because when you drink tea, it means you are calm and also you’ll embrace the nature,” ayon pa kay Wu.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter