Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City, isasailalim sa MECQ simula Agosto 16-31

Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City, isasailalim sa MECQ simula Agosto 16-31

IBABABA na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang klaspikasyon ng quarantine measure sa Laguna, Iloilo City at Cagayan de Oro City mula sa kasalukuyang ECQ.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim ang tatlong lugar sa MECQ simula Agosto 16 hanggang 31.

Una nang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pagbabasehan pa rin ng IATF ang pamantayan ng mga eksperto partikular ang daily attack rate, two-week average attack rate at hospital care utilization rate.

Metro Manila, mananatiling nasa ECQ hanggang Agosto 20

Samantala, mananatiling nasa ECQ ang National Capital Region (NCR) hanggang Agosto 20.

Ilalagay din ang Bataan sa ECQ hanggang Agosto 22 naman.

Isasailalim naman sa MECQ mula Agosto 16 hanggang Agosto 31 ang Apayao; Ilocos Norte; Bulacan; Cavite, Lucena City, at Rizal sa Region 4-A para sa Luzon; at Aklan, at Iloilo Province sa Region 6, at Lapu-Lapu City, Mandaue City, at Cebu City sa Region 7 sa Visayas.

Ilalagay naman sa General Community Quarantine with heightened restrictions mula Agosto 16 hanggang Agosto 31 ang Ilocos Sur; Cagayan; Quezon at Batangas sa Region 4-A at Naga City para sa Luzon; Antique, Bacolod City at Capiz sa Region 6; at Negros Oriental at Cebu para sa Visayas; Zamboanga del Sur; Misamis Oriental; Davao City, Davao del Norte, Davao Occidental at Davao de Oro sa Region 11 at Butuan City para sa Mindanao.

Sa kabilang banda, ang Tarlac naman ay nasa GCQ simula ngayong araw, Agosto 13 hanggang 31.

Isasailalim din sa GCQ simula naman Agosto 16 hanggang Agosto 31 ang Baguio City sa Cordillera Administrative Region; Santiago City, Quirino, Isabela at Nueva Vizcaya sa Region 2; Batangas at Quezon sa Region 4-A at Puerto Princesa para sa Luzon; Guimaras at Negros Occidental sa Region 6; Zamboanga Sibugay, Zamboanga City at Zamboanga del Norte sa Region 9; Davao Oriental at Davao del Sur sa Region 11; General Santos City, Sultan Kudarat, Sarangani, North Cotabato at South Cotabato sa Region 12; Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur at Dinagat Islands sa CARAGA at Cotabato City sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Samantalang ang iba pang lugar ay isasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) mula Agosto 16 hanggang 31, 2021.

BASAHIN: Mga pulis sa ECQ at MECQ areas, tatanggap ng COVID hazard pay

SMNI NEWS