Laguna, isasailalim sa Alert Level 3 sa Enero 7-15

Laguna, isasailalim sa Alert Level 3 sa Enero 7-15

ISASAILALIM sa Alert Level 3 ang probinsiya ng Laguna simula Enero 7 hanggang Enero 15 matapos ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lugar ayon sa Malakanyang.

Ayon kay Acting Presidential, Cabinet Secretary Karlo Nograles, inaprubahan ng The Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyon ng sub-Technical Working Group on Data Analytics na itaas ang alert level sa Laguna.

Una nang itinaas ang alert level sa Metro Manila sa Alert Level 3 noong Disyembre 31 hanggang Enero 15.

Sumunod na inilagay sa Alert Level 3 ang mga probinsiya ng Bulacan, Cavite, at Rizal noong Enero 4 na magtatagal hanggang Enero 15.

Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan lamang ang 30% capacity sa indoor venue at 50% capacity naman sa outdoor venue sa mga aktibidad.

Samantala pinagbabawal naman ang face-to-face classes o in-person classes para sa basic education.

Kabilang din sa ipinagbawal ang contact sports, maliban sa bubble-type setup; funfairs/carnivals, at kid amusement industries; mga concerts, casinos, horse racing, cockfighting, cockpit operation, lottery at betting shops, at iba pang gaming establishments, pagtitipon-tipon ng mga indibidwal na hindi kasama sa bahay.

Kahapon, Enero 5, naitala ng Department of Health (DOH) ang 10,775 na bagong kaso ng COVID-19, pinakamataas na bilang ng kaso sa isang araw simula noong Oktubre 10, 2021.

Mayroon na ngayong naitala na 14 kaso ng Omicron variant sa bansa kung saan tatlo ay lokal at 11 ay mula sa ibang bansa.

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHO), lumaganap na sa 128 bansa ang Omicron variant simula nang madiskubre ito noong Nobyembre 2021.

Follow SMNI News on Twitter