PANSAMANTALANG natigil ang pamimigay ng fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa ipinatupad na election spending ban ng Commission on Elections (COMELEC).
Ito ang kinumpirma ng Land Bank of the Philippines sa kanilang inilabas na press statement, araw ng Martes, Setyembre 19.
Tiniyak ng Land Bank na maipagpapatuloy nila ang distribusyon ng ayuda sa lalong madaling panahon.
Ito ay sa oras maaprubahan ng COMELEC ang hiling na exemption sa election spending ban.
Dagdag ng Land Bank, nakikipag-ugnayan na ang LTFRB para dito.
Mabilis na pag-apruba ng ₱1 provisional increase sa pamasahe, hiling na regalo ng isang transport group sa LTFRB
Samantala, naglabas naman ng hinaing ang Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas (LTOP) hinggil dito.
Iginiit ni Lando Marquez, presidente ng LTOP, dapat na-anticipate na ng LTFRB na mayroong ipatutupad na election spending ban ang COMELEC dahil sa nalalapit na halalan para sa Barangay at Sangguniang Kabataan.
Punto niya, mababa na nga lang ang halaga ng subsidiya maantala pa.
“Malaki ang epekto, unang-una ay nade-delay napakaliit na nga ng subsidy dalawang araw, tatlong araw ay ubos na ‘yan di ba?” ayon kay Lando Marquez, President, LTOP.
Sa kasalukuyan, 20% pa ng kaniyang mga miyembro sa LTOP ang nakakuha ng subsidiya.
Sa text message mula kay Asec. Guadiz, tiniyak niya na mayroong ihahaing petisyon sa COMELEC sa pangunguna ng Department of Transportation (DOTr).
“Per coordination po with DOTr, bukas po nila mai-file ‘yung exemption,” saad ni Asec. Teofilo Guadiz III, Chairman, LTFRB.
Hinimok naman ni Marquez si LTFRB Chairman Guadiz na aprubahan na sa lalong madaling panahon ang hirit na P1 provisional increase.
Huwag na sanang antayin pa ang pagdinig sa Setyembre 26 dahil matatagalan lamang ang mga ito.
“‘Yun na ‘yung regalo niya ‘yung piso dahil kasi ang hearing namin ay sa 26 pa. So, hindi naman masama na i-advance niya,” dagdag ni Marquez.
Ang maagang regalong hiling ni Marquez na P1 provisional increase sa pampasaherong jeep ay kasunod sa nalalapit na kaarawan ng LTFRB official sa Sabado.