HINDI mag-aatubili ang Department of the Interior and Local Government o DILG na magsuspinde ng local government unit (LGU) officials kung may masasangkot na naman sa pamimili ng unang mabakunahan o bibigyan ng ayuda.
(BASAHIN: 22.9 million indibidwal sa NCR Plus, makatatanggap ng ayuda na P1,000)
Ayon kay DILG Usec for Barangay Affairs Martin Diño, nakahanda silang magpataw ng parusa para sa mga nananamantalang opisyal gaya ng nangyari sa pamamahagi ng Social Amelioration Fund o SAP.
“Hindi mangingimi ang DILG lalo na ang aking opisina na file-lan uli kayo ng kaso. Sanay na kaming mag-file ng kaso ngayon at alam na alam na namin kung papaano. Basta’t meron kaming affidavit ng mga residente ninyo na namili kayo ng babakunahan, namili kayo ng aayudahan, alam na namin ang gagawin para masuspinde kayo agad,” pagbabala ni Diño.
Ayon pa kay Usec. Diño, may ugnayan ang kanilang ahensiya at ang Ombudsman na kung saan basta’t maghain ito ng demanda laban sa mga pasaway na opisyal ay mabilis lang itong maaksyunan.
Sinabi ng DILG na mahigpit nitong babantayan ngayon sa pamamahagi ng cash sa NCR plus ang mga LGUs na nagkaroon ng isyu tungkol sa distribusyon ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, bagaman naiparating naman sa lahat ang unang tranche ng SAP, nagkaroon naman ng problema sa ilang LGUs.
Kaya naman aniya ay mahigpit nilang babantayan ang mga LGU na nagkaroon ng problema sa pamamahagi ng unang tranche ng tulong pinansyal upang hindi na maulit ang delay sa pamamahagi ng SAP sa mga residente nito.
Matatandaan inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang assistance program na magbibigay tulong pinansyal sa nasa 22.9 milyong benepisyaryo sa Metro Manila at mga kalapit na probinsiya sa kalagitnaan ng pagpaptupad ng enhanced community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.