Libo-libong senior citizens sa Lungsod ng Maynila, tumanggap ng allowance

LIBO-libong senior citizens na ang tumanggap na ng kanilang senior citizen allowance sa Lungsod ng Maynila.

Ito’y simula nang nilagdaan ni Maynila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang P51 milyong badyet na monthly allowance para sa senior citizens.

Ayon sa Manila LGU, ang P47 milyon dito ay inilaan para sa updated senior citizens’ list mula Enero hanggang Disyembre 2020 habang ang nasa P3.974 milyon ay ire-release para sa mga bagong naitalang pangalan sa listahan ng mga senior citizen.

Nilinaw ni Moreno sa mga senior citizen na nais mag-claim ng kanilang monthly allowance na hindi  pwede ang authorization letter kung ang kanilang anak o kamag-anak ang kukuha ng kanilang allowance.

Personal dapat itong makuha upang makita sila nang personal ang kukunang senior citizen.

Kapag bed ridden naman ang isang senior citizen ay maaari namang ihatid house to house ang kanilang allowance.

Tinitiyak naman ni Yorme na kahit umalis o hindi na claim ng isang senior citizens ang kanilang allowance ay maaari pa rin nila itong i-claim pagbalik nila sa lungsod.

Dapat ang isang senior citizen ay nakarehistro sa Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ng lungsod.

May dalawang klase ang allowance sa mga senior citizens sa Lungsod ng Maynila.

Kabilang dito ang social pension ng DSWD habang city financial assistance naman ang isa.

Sa city financial assistance, walang pinipili, mahirap, middle class, o mayaman ay tatanggap ng tig P500.

Ito ay isang oridnansa na inilaaan para sa mga lolo at lola.

Bukod sa city allowance, ang bawat senior citizens ay makakatanggap din ng mga regalo na cake.

Umabot na rin sa 35,748 ang nabigyan na ng lungsod ng Maynila ng Cake my Day para sa mga senior citizen na may mga kaarawan simula nito lamang Enero hanggang Abril 2021.

Tiniyak naman din ni Yorme na mabibigyan ang lahat ng senior citizens ng cake basta nakapagtala lamang ang mga ito sa OSCA.

(BASAHIN: Pekeng pangalan ng senior citizens sa Lungsod ng Maynila, umabot sa 24,000)

SMNI NEWS