Libreng sakay ng MMDA, mas pinalawak pa

Libreng sakay ng MMDA, mas pinalawak pa

TULOY-tuloy ang paghahatid serbisyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pamamagitan ng paghandog ng libreng sakay sa mga Pilipino.

Ngayong umaga, pinangunahan ni Chairman Carlo Dimayuga ang pag-dispatch ng mga pasahero na sumakay sa libreng sakay ng MMDA.

Ayon sa opisyal, mas pinalawak pa nila ang libreng sakay sa pamamagitan ng pagdagdag ng MMDA shuttle ngayong umaga.

Magsisimula ang nasabing libreng sakay ng 6-11 am at 1-6 pm.

Ang ruta ay mula Commonwealth Avenue Litex hanggang Welcome Rotonda ng lungsod.

Paraan ito ng MMDA upang maibsan ang iniindang gastusin sa transportasyon at upang mabigyan ng sapat na suplay ng transportasyon ang mga Pilipino partikular na ang mga mag-aaral.

Sinabi naman ni Mayor Joy Belmonte na ang hakbang ng MMDA ay malaking tulong upang hindi mahirapan ang mga mananakay sa pagsakay patungo sa kani-kanilang destinasyon.

Samantala, tumungo naman agad si Dimayuga sa Batasan National High School upang mamahagi ng health kits sa mga mag-aaral.

Nakapaloob sa naturang health kits ang alcohol, face mask, vitamins, gamot, mouthwash at thermometer.

Nasa halos 2,000 health kits ang ipinamahagi ng MMDA sa mga mag-aaral sa nasabing paaralan.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga mag-aaral na mag-ingat lalot patuloy pa rin ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Samantala, pinaalalahanan din ng MMDA chairman ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho lalo na kung nasa school zone area, ito ay upang maiwasan ang anumang uri ng aksidente.

Follow SMNI News on Twitter