IGINIIT ni Senador Alan Peter Cayetano na bahagi siya ng minorya ngunit hindi kabilang sa bloke na binubuo nina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at Senador Risa Hontiveros.
Iginiit ni Cayetano ang kanyang paniniwala habang ipinagtatanggol niya ang kanyang karapatang mahalal bilang minority leader sa Commission on Appointments (CA).
Una nang tinutulan ni Hontiveros ang pagkahalal ni Cayetano bilang minority leader sa constitutional body.
Matatandan na si Cayetano, at ang kanyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano ay nagpakilalang bahagi ng “independent minority bloc” sa Senado.
Ipinagtanggol din ni Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang pagkakahalal ni Cayetano bilang minority leader sa CA.
Ipinunto ng Senate President na iba ang constitutional body sa minority bloc sa House of Representatives at Senado.
Matatandaan na ang Senate minority bloc, na binubuo nina Hontiveros at Pimentel, ay binigyan ng isang puwesto sa makapangyarihang appointments body.
Ngunit si Cayetano ang nahalal bilang hepe ng minorya ng CA.
Nanindigan si Cayetano na mas may karanasan siya sa pagharap sa mga appointment ng mga department secretaries bilang dating miyembro mismo ng gabinete.
Naniniwala rin siyang mahusay niyang kinakatawan ang oposisyon sa pagsusuri sa mga kwalipikasyon, integridad at kakayahan ng mga opisyal na itatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa gabinete.
Gayunpaman, sinabi niya na iginagalang niya ang desisyon ni Hontiveros ngunit tatanungin siya kung handa siyang unahin ang paggawa ng magandang trabaho sa CA o pag-agawan para sa posisyon.
Una nang sinabi ni Hontiveros na hindi kuwalipikado si Cayetano na maging CA minority chief dahil hindi lumahok si Cayetano sa halalan ng Senate minority leader.