Libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, target na maibalik ngayong Pebrero

Libreng sakay sa EDSA Bus Carousel, target na maibalik ngayong Pebrero

INIHAYAG ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na target na maibalik ang service contracting program o ‘Libreng Sakay’ program sa EDSA Bus Carousel sa Pebrero ng taon.

Ito ang inanunsyo ng opisyal matapos ang isang press conference, araw ng Biyernes.

Nilinaw naman ni Asec. Guadiz, hinihintay na lamang nila na ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1.4 bilyon na pondo para sa naturang programa.

Sa oras mailabas tiyak na agad maibabalik ang ‘Libreng Sakay’ sa Pebrero at magtatagal sa Hulyo 2023.

Samantala, pinatatawag ng LTFRB sa Miyerkules, Enero 11 ang 2 consortium o operator ng EDSA Bus Carousel.

Ito ay upang aksyunan ang umano’y pananamantala ng iilang kundoktor sa hindi tama na paniningil ng pasahe sa mga pasahero.

Alinsunod sa bagong fare matrix ng LTFRB para sa EDSA Bus Carousel, nasa P15 lamang ang minimum na pasahe at P75 naman ang pinakamataas na pasahe pero ilan sa mga kundoktor ay tila pabago-bago ang isinisingil sa mga pasahero.

Tiniyak naman ng LTFRB na agad nila itong sosolusyunan upang hindi lumala at wala nang pasahero ang madedehado.

Follow SMNI News on Twitter