LIBU-libong katao sa iba’t ibang lugar sa Caraga Region ang lumikas dahil sa hagupit ng Bagyong Odette.
Unang nag-landfall ang Bagyong Odette sa Siargao Island, Surigao del Norte ng 1:30 ng hapon ng Disyembre 16, Huwebes.
Umabot sa 29 barangay sa Butuan City ang direktang naapektuhan ng bagyo na nagdulot ng pagbaha.
Ayon kay Michiko de Jesus ng information office ng lungsod, 2,090 bilang ng pamilya o 7,113 indibidwal ang lumikas simula ng 4:00 ng hapon.
Aniya, umabot na rin sa warning level ang tubig sa Agusan River kungsaan umakyat na ito sa 1.40 meters. Nasa 2.0 meters naman ang danger level ng nasabing ilog.
Samantala, 560 bilang ng pamilya o 2,106 indibidwal ang inilikas sa Agusan del Norte.
Kabilang sa mga pamilya ay residente sa mga bayan ng Tubay, Nasipit, Magallanes, Remedios T. Romualdez, at Cabadbadran City.
Nasa kabuuang 3,280 pamilya o 11,268 indibidwal naman ang inilikas sa Surigao City mula sa iba’t ibang barangay dahil sa pagbaha na dulot ng Bagyong Odette.
Pansamantalang nanuluyan ang mga lumikas sa 48 evacuation center sa nasabing lungsod.
Wala namang datus ang ibinigay sa mga lumikas sa Agusan del Sur habang ang Surigao del Sur ay nagtala ng 16,370 pamilya mula sa 17 na bayan at dalawang lungsod sa 225 evacuation centers sa probinsya.
Nakahanda naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) 13 na naka-istasyon sa Surigao City na mamahagi ng family food packs (FFPs) sa mga naapektuhan ng bagyo.