Libu-libong pamilya na apektado ng mga pagbaha dulot ng shear line sa Davao Region, nasagip ng mga sundalo

Libu-libong pamilya na apektado ng mga pagbaha dulot ng shear line sa Davao Region, nasagip ng mga sundalo

NAGDULOT ng mga pagbaha sa Davao Region ang mga pag-ulan dala ng shear line o ang banggaan ng malamig na hangin mula sa hilagang silangan at ng mainit na hangin mula sa silangan.

Sa huling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) as of January 16 ng hapon, siyam na bayan mula sa Davao de Oro ang apektado ng pagbaha habang dalawang bayan naman sa Davao del Norte.

May naitala ring tatlong landslide sa Davao de Oro.

Habang nasa mahigit 500 pamilya o katumbas ng nasa mahigit 2,000 indibidwal ang apektado ng pagbaha.

Sa nasabing bilang, nasa mahigit 1,000 indibidwal ang pansamantalang sumisilong sa pitong evacuation centers.

Sa panayam naman ng SMNI News sa 10th Infantry Division 10ID ng Philippine Army (PA), umabot sa halos 4,000 pamilya ang kanilang na-rescue sa kasagsagan ng pagbaha.

“We have recorded a total of 3,985 families rescued of which 1,022 coming from Davao de Oro and 888 coming from province of Davao del Norte and at least 2,075 families rescued coming from the province of Agusan del Sur a total of rough estimate nasa 14,000 individuals ang na-rescue natin,” ayon kay Maj. Roberto Escalona, Jr., Civil Military Operations Officer, 100st IB, 10ID, PA.

Sa ngayon ani Maj. Roberto Escalona Jr., Civil-Military Operations Officer ng 1001st Infantry Brigade ng 10ID, humupa na ang tubig-baha at itinigil na nila ang rescue operations.

Sa kabila nito ay naka-standby pa rin ang kanilang tropa sakaling kakailanganin ang kanilang serbisyo lalo na sa pamamahagi ng relief goods.

“As of now wala na po tayong, nag subside na rin po ‘yung tubig, wala na po tayong rescue operations na ginagawa, but we are assisting the relief distributions sa mga evacuation centers, so our troops are still deployed in the area assisting the local government units,” dagdag ni Escalona.

Sa huli sinabi nito na patuloy pa rin ang kanilang mga ginagawang monitoring sa mga landslide prone areas at wala pa silang pinapabalik na mga residente na nakatira sa mga delikadong lugar.

Sa kabuuan ay wala pang namo-monitor na casualty ang awtoridad sa mga pagbaha sa rehiyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble