NASAWI ang isang lider ng communist terrorist group (CTG) sa engkuwentro sa Brgy. Carmen, Jimenez, Misamis Occidental.
Sa ulat kay AFP Western Mindanao Command (WestMinCom) commander Major General Steve Crespillo, nagsasagawa ng combat operation sa lugar ang 10th Infantry Battalion nang makaharap ang nasa 10 armadong lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng Guerilla Front Senfong.
Tumagal ng humigit-kumulang 30 minuto ang palitan ng putok hanggang tumakas ang mga rebelde at iniwan ang bangkay ng kanilang lider na kinilalang si Michael Cabayag, alyas Teddy.
Nahuli naman ang isang babaeng rebelde na kinilalang si Armida Nabicis, alyas Yumi.
Nakuha ng militar sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang M16 rifle na may M203 Grenade Launcher, isang CZ rifle, isang M653 rifle, limang bandolier, sari-saring mga bala, at mga personal na gamit.
Pinuri ni Major General Crespillo ang mga sundalo sa kanilang pagsisikap na mawakasan ang communist insurgency sa Mindanao partikular sa Misamis Occidental.