ISANG malaking fake news para sa Senado ang kumakalat na balita na papalitan umano sa puwesto si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Ang istorya mula sa isang online site? May nagbabalak na i-kudeta si Zubiri dahil sa mabagal ang Senado sa pag-apruba ng mga priority bills ng Marcos administration.
Sinabi naman ni Zubiri na ang artikulo ay gawa-gawa lamang ng kanilang imahinasyon.
Giit pa niya na walang nangyayaring usapang kudeta dahil sa mababang output ng Senado.
Ayon sa artikulo, kwestyunable si Zubiri dahil sa tatlong batas lamang umano ang naipasa sa nakaraang taon.
At nailigtas lamang umano ni Zubiri ang kanyang sarili matapos ipinasa ang Regional Comprehensive Economic Agreement (RCEP) na wala naman sa mga nakaraang agenda ng Senado.
Matatandaan na ang RCEP bill ay unang nairefer sa komite ni Senator Imee Marcos ngunit kanya itong tinanggihan, at kinontra pa kalaunan.
Naipasa lamang ang RCEP matapos magdisisyon si Zubiri na siya na mismo ang magiging sponsor, kung saan umani ito ng suporta mula sa kanyang mga kasamahan.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ni Zubiri na nakahanda siyang bumaba sa puwesto kung nanaisin ng kanyang mga kasamahang mambabatas sa Senado.