NAIA Terminal 1 – Pasay City—Agad na sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber ng itim na SUV na sangkot sa nakagigimbal na aksidente sa NAIA Terminal 1 West Departure area nitong Linggo ng umaga. Kinilala ang drayber na si Leo Gonzales, residente ng Tayuman, Batangas.
Ayon sa CCTV footage, walang preno at deretsong inararo ng SUV na may plakang DCB-3411 ang ilang pasaherong naghihintay sa labas ng paliparan — nagresulta ito sa pagkamatay ng ilang indibidwal at pagkasugat ng iba pa.
Bilang tugon, ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza ang 90-araw na suspensyon ng lisensya ng suspek at iniatas na ito’y agad na isuko sa LTO. Bukod dito, nagpalabas na rin ng show cause order ang ahensya upang ipatawag si Gonzales at ang registered owner ng sasakyan.
“We already issued an SCO asking both the registered owner and the driver to appear before our office and explain the incident as part of our investigation,” pahayag ni DOTR Secretary Vince Dizon.
Dagdag pa ng kalihim, mas mataas ang bilang ng mga aksidente ngayong 2025 sa unang apat na buwan kumpara sa buong taong 2024 — dahilan para palakasin pa ang drayber accountability at traffic enforcement sa mga pampubliko at pribadong lugar.